(NI DENNIS IÑIGO)
NAPASAKAMAY ni 30th Southeast Asian Games surfing champion at hero Roger Casugay ang karangalan bilang “Athlete of the Month” para sa Disyembre ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS).
Kinubra ni Casugay, sinaluduhan ng international surfing community dahil sa kanyang kabayanihan, ang isa sa dalawang gold medals sa surfing competitions na ginanap sa Monalisa Point sa San Juan, La Union Province.
Isinukbit ng 25-anyos na Filipino champion ang gold sa men’s longboard category sa naitalang iskor na 14.50 sa overall round, tanging tatlong puntos lamang ang agwat kay compatriot Rogelio “Jay-R” Esquivel Jr.
“It was truly a class act by Casugay,” saad ni TOPS president Ed Andaya. “Like many other outstanding athletes who excelled during the SEA Games in this merry month of December, Casugay made all of us proud to be Filipinos.”
Maging si Indonesian President Joko Widodo ay nagpahiwatig ng pasasalamat, sa pamamagitan ng Twitter, sa pagsagip ni Casugay sa muntik nang malunod na Indonesian surfer.
Personal naman pinili ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez si Casugay bilang Philippines’ flag bearer sa SEAG closing ceremonies sa New Clark City Athletics Stadium noong Disyembre 11 dahil sa ipinakitang sportsmanship sa biennial meet.
“The SEA Games are not only about medals. It is about character, resilience, love for one another and shoring up the faith of the person next to you, something that Casugay has exemplified,’’ sabi ni Ramirez.
Natamo ni Casugay ang pagsang-ayon ng mga opisyal at miyembro mula sa mga pangunahing tabloids sa bansa matapos salain ang mahabang listahan ng mga atleta na nagbigay karangalan sa 12-day, 11-nation regional tournament.
Nakasama ni Casugay sa elite list ng monthly winners ng TOPS sa buong 2019 sina: Manny Pacquiao (January), Jasmin Mikaela Mojdeh (February), Natalie Uy (March), Ernest John Obiena (April), June Mar Fajardo (May), ang
Philippine Canoe Kayak and Dragon Boat Federation team (June), Obiena (July), Antonella Berthe Racasa (August), Obiena (September), Caloy Yulo (October) at Margielyn Didal (November).
Ang TOPS ang siya ring presentor ng “Usapang Sports”, weekly forum na ginaganap sa National Press Club tuwing Huwebes at iniisponsoran ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR, Community Basketball Association, HG Guyabano Tea Leaf Drink, at napapanood nang live via Glitter Livestream.
280