(NI JJ TORRES)
LARO NGAYON:
(MALL OF ASIA ARENA)
6:30 P.M. – RAIN OR SHINE VS MAGNOLIA
PAGLALABANAN ng Rain or Shine Elasto Painters at Magnolia Hotshots Pambansang Manok ang huling PBA Philippine Cup finals berth Linggo ng gabi sa Game 7 ng kanilang semifinal series sa Mall of Asia Arena sa Pasay.
Inaasahang ibibigay ng dalawang koponan ang lahat ng kanilang kakayahan sa rubber match na magsisimula ng alas-6:30 ng gabi.
Ang winner ay haharapin sa best-of-seven finals ang defending champion San Miguel Beer.
Naunang umabante ang Beermen matapos ang 4-1 series na panalo laban sa Phoenix Pulse Fuel Masters.
Naiwasan ng Rain or Shine ang maagang bakasyon matapos manaig sa Magnolia noong Biyernes, 91-81, sa Ynares Center sa Antipolo.
Tumira ng apat na tres si Rey Nambatac para tulungan ang Elasto Painters na makalayo sa fourth quarter habang sina James Yap at Beau Belga ay nagpakitang gilas din para pigilan ang Hotshots na tapusin ang series.
Bagama’t mataas ang morale ng kanyang koponan, naniwala si Rain or Shine coach Caloy Garcia na ang advantage ay nasa Magnolia para rin dahil sa kanilang malawak na playoff experience kabilang na ang pagkampeon nila last season sa Governors’ Cup.
Umaasa si Magnolia mentor Chito Victolero na lalabas ang kanilang experience sa Game 7 pero hinihingi niya na mas maging aggressive ang kanyang mga bataan kumpara sa huling laro.
Si Yap ay lalaro sa kanyang ikawalong Game 7 ngunit ito ang unang beses matapos lumipat sa Rain or Shine mula Magnolia noong 2016.
Susi din para sa Rain or Shine sina Belga, Nambatac, rookie Javee Mocon, Gabe Norwood at Jewel Ponferada upang makuha ang inaasam na unang finals ng koponan mula noong title run nila sa 2016 Commissioner’s Cup.
Samantala, ang Magnolia ay sasandal kay Ian Sangalang, Paul Lee, Mark Barroca at Jio Jalalon para bumalik sa finals.
Maging ang role players ng Hotshots na sina Rome dela Rosa, Rafi Reavis, Robbie Herndon, Justin Melton at Rodney Brondial ay inaasahang magdeliver.
113