WALANG tulak-kabigin sa PBA Governor’s Cup finals trilogy ng Meralco Bolts at Barangay Ginebra kaya’t masasabing anybody’s ballgame ang Game 3 ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ganap na alas-6:30 magsisimula ang ikatlo sa best-of-seven series ng dalalawang koponan na sa ngayon ay kapwa may 1-1 kartada.
Unang inangkin ng Gin Kings ang Game 1, 91-87, noong Enero 7.
Pero agad nakabawi ang Meralco sa Game 2 noong Biyernes sa Quezon Convention Center sa Lucena.
Nagkaalaman lamang ng nanalo sa huling mga segundo ng laro kung saan nakaungos ang Bolts kontra Gins, 104-102.
Hindi gaya sa Game 1, kumonekta ang mga tira ng Bolts lalo sa three-point area, kung saan umukit sila ng franchise-record na 16 triples na naging sandata nila para lumamang ng 19-puntos sa halftime.
Bumalikwas ang Ginebra sa third quarter at nakipagpukpukan sa fourth quarter ngunit kinapos sa bandang huli.
Kumamada si Allen Durham ng 21 points, 18 rebounds, at 6 assists para sa Bolts, habang nagdagdag si Baser Amer ng 17 points, kabilang ang 5 triples.
Nagambag din si Chris Newsome ng 17 markers, habang nagsumite ng 15 si Raymond Almazan at 12 si John Pinto.
Nanguna para sa Kings si Justin Brownlee na tumapos na may 35 puntos at 11 rebounds, at naging susi para maitabla ang iskor sa 70-all sa third quarter.
Ngunit sa pamamagitan ng 9 na puntos ni Nico Salva ay napanatili ng Meralco ang lamang sa 82-76 sa pagpasok ng huling period.
Nagtala rin ng double-double, 23 points at 10 rebounds si Stanley Pringle para sa Ginebra.
Inaasahan naman na gaganti ang Ginebra sa naunsyaming career milestone ng kanilang resident import na si Justine Brownlee noong Game 2.
Umiskor si Brownlee ng apat na three pointers upang maging pinakabagong record holder sa all-time most 3-point field goals made in league history ng isang PBA import. (ANN ENCARNACION)
185