Nets panalo sa Pistons pero… DURANT MULTADO NG $25K

nba

BALITANG NBA Ni VT ROMANO

WALANG nakapigil kay Kevin Durant nang magtala ng NBA season-high 51 points sa panalo ng Brooklyn Nets, 116-104 kontra Pistons, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila) sa Detroit.

Kasabay ng panibagong peat ni Durant, pinagmulta siya ng $25,000 bunga ng paggamit nang ‘di magandang salita laban sa fan na sumigaw sa kanya ng: “Durant, stop crying,” sa laro ng Nets kontra Atlanta noong Biyernes.

Tinabunan din ni Durant ang 50-point total ni Stephen Curry ngayong season.

Si Cade Cunningham, may 26 points at Frank Jackson 25 points para sa Detroit, natamo ang ika-12 sunod na talo. Huling panalo ng Pistons noong Nobyembre 17 laban sa Pacers at hindi pa rin nakakapag-back-to-back win ang koponan ngayong season.

Nagdagdag naman si Patty Mills ng 18 points sa Nets, na-outscore ang Detroit, 30-13 sa fourth quarter.

Abante pa ang Pistons, 91-86 makalipas ang tatlong quarters sa kabila ng 38 points ni Durant, ­iniskor ang pito ng Nets’ 11-0 run sa umpisa ng fourth.

Nakuha ni Durant ang fifth foul, 8:46 para sa laro, pero nanatili sa floor habang pinapalobo ang kalamangan ng Nets, 105-92 kalagitnaan na ng last quarter.

Angat ang Nets ng tatlo sa half, 60-57. Nagawa ring ma-outshot ng Detroit ang Brooklyn, 47.8% to 38.5% sa first half, pero nadale ng turnovers.

Naitala rin ni Durant ang record sa points scored sa Little Caesars Arena, na nagbukas noong 2017. Nilampasan niya ang 50 ni Blake Griffin (2018), 45 ni Kyrie Irving (2020) at 44 ni James Harden sa nakalipas na season.

Sunod na kalaban ng Nets ang Toronto Raptors sa Martes, habang bibisita naman ang Pistons sa Chicago sa Martes din.

KNICKS SAWI SA BUCKS

UMISKOR si Khris Middleton ng 24 points at naitala naman ni ­Giannis Antetokounmpo ang una niyang triple-double sa season para akayin ang Milwaukee Bucks sa 112-97 win laban sa short-handed Knicks sa New York, Linggo ng Gabi (Lunes sa Manila).

Isa sa pitong Bucks na may double-digit scoring, naglista si Antetokounmpo ng 20 points, 11 assists at 10 rebounds. ­Nagdagdag si Bobby Portis Jr. ng 19 points, may 14 si Rodney Hood, 13 mula kay Jrue Holiday, may 12 si Grayson Allen at 10 kay Pat Connaughton.

Hindi naghabol sa kabuuan ng laro ang Milwaukee (18-10) at naitala rin ang ikalawang sunod na panalo at pang-sampu sa 12 overall.

“We talk a lot about being unselfish and making the right play, having high-IQ guys that are ­willing to make the right pass,” wika ni Bucks coach Mike Budenholzer. “It was a good team effort.”
Ang New York (12-15) naman ay tatlong sunod nang natatalo at pampito sa 10 nitong laro.

Sa kanyang first NBA start, umiskor si Quentin Grimes ng 27 para sa Knicks at nag-set ng team record sa most 3-pointers made na pito bilang rookie. Ang kanyang 27 points ay pinakamataas na naitala ng isang Knicks rookie sa laro mula noong 1996-97.

“I always prepare myself for a moment like this,” ani Grimes. “But it was definitely a surreal moment and I was just trying to soak it all in.”

Parehong may 18 points sina Derrick Rose at Kevin Knox at 11 naman kay Immanuel Quickley para sa Knicks.

Hindi maawat ang Milwaukee, abante ng 9-1 4:07 pa lang sa laro at 26-16 matapos ang first quarter. Lumobo ang lead, 54-33 kasunod ng 3-point pay ni Portis, 4:28 sa second. Pagkatapos ng first half, angat pa rin ang Bucks, 61-48.

“Turnovers in the first half ­really hurt us,” komento naman ni New York coach Tom Thibodeau, matapos makakuha ng siyam na turnovers ang team sa first half, na nai-convert ng Milwaukee sa 20 puntos. “You give a team like that points like that, it’s hard to make up.”

Bibisitahin ng Bucks ang Boston sa Lunes, habang haharapin ng Knicks ang Golden State Warriors sa Martes.

MAGIC ‘DI TUMALAB SA LAKERS

INILISTA ni LeBron James ang 14 ng kanyang 30 puntos sa third quarter, nagdagdag ng 11 rebounds at 10 assists, nang kalusin ng Lakers ang Orlando Magic, 106-94, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila) sa Los Angeles, tungo sa ikalimang panalo sa pitong laro.

Umiskor naman si Talen Horton-Tucker ng pito ng kanyang 19 points, nang dominahin ng Los Angeles ang laro matapos ang first half, nang magtala ng 23 sunod na puntos, habang ang Magic ay 2-for-23 ang shooting sa third quarter, kung saan ang kanilang field goals ay halos sampung minuto ang pagitan.

Sinamantala ng Lakers ang 36-10 advantage sa third para sa ikalawang sunod na panalo at dumikit ng dalawang laro sa ibabaw ng .500, unang pagkakataon ng koponan sa loob ng apat na linggo.

Nagsumite rin si Russell Westbrook ng 19 points. Habang naitala ni James ang 101st career triple-double sa final minutes ng larong wala si second-leading scorer Anthony Davis sanhi ng left knee soreness.

May 21 points naman si Cole Anthony sa Magic, 0-5 sa kanilang West Coast trip.

Nagdagdag si Franz Wagner ng 20 points at seven rebounds para sa Magic, na natalo rin sa Clippers nang nagdaang gabi, 106-104.

Laglag ang Orlando sa 5-23, sa kabila ng naisalaksak na 13 3-pointers.

9 BULLS PLAYERS NASA COVID LIST

PATULOY na humahaba ang listahan ng Chicago Bulls na inilalagay sa NBA’s health and safety protocols.

Idinagdag sa listahan si Bulls star player Zach LaVine at si Troy Brown Jr., ayon sa ulat ng ESPN at NBC Chicago.

Siyam na manlalaro ng Chicago ang nasa league’s protocols, isang araw bago ang laro kontra Detroit Pistons.

Sa pinakahuling tala nitong Linggo, may siyam na eligible players sa roster ang Bulls, dahil sa ‘signing replacements, sobra ng isa sa league minimum na eight eligible para makalaro sa NBA game.

Sina DeMar DeRozan, Coby White, Matt Thomas, Javonte Green, Derrick Jones Jr, Ayo Dosunmu at Stanley Johnson ang nasa COVID-19 protocols.

Si Johnson ay napasama sa koponan bunga nang 10-day contract noong nakaraang linggo bilang ‘hardship signing.’ Gayundin si Alfonzo McKinnie na lumagda rin sa ilalim ng ‘hardship exception.

Matatandaang pitong larong absent si Nikola Vucevic sanhi ng COVID-19 protocols at nagbalik sa aksyon noong Nobyembre 24.

“We need a hardship for a hardship right now,” pahayag ni head coach Billy Donovan noong Sabado, bago ang 118-92 loss sa kamay ng Miami Heat.

Inihayag ng Bulls na ‘fully vaccinated’ laban sa COVID-19 ang buong koponan at makapagpapatuloy silang makapagpapirma ng players sa ilalim ng ‘hardship exceptions’ kung kinakailangan.

Ang player na ilalagay sa protocols ay kinakailangang mag-isolate ng hindi bababa sa 10 days o kaya’y makapagpakita ng dalawang negative PCR tests sa loob ng 24-hour period.

Dagdag ni Donovan, ­maraming players ang nasa protocols ay pawang asymptomatic.

“Maybe some of its because of the vaccination, we’ve got a lot of guys sitting at home with no symptoms right now,” ani Donovan. “That’s obviously a good thing, too, because I think when guys have gone through a real difficulty of getting really, really sick, it’s really made it a lot harder for them coming back.

“We do have some guys that have felt under the weather, we have guys that have very, very mild symptoms, and some guys that just don’t have any.”

295

Related posts

Leave a Comment