PBA-READY NA SI BULANADI

(NI JOSEPH BONIFACIO)

MATAPOS ang kanyang karera sa collegiate league bilang top gunner ng San Sebastian Stags, wala nang ibang pupuntahan si Allyn Bulanadi kundi ang sumubok sa pro league.

Hindi muna siya sasabak sa PBA, bagamat sasali siya sa Annual Draft sa Disyembre.

Ito ay dahil may nauna nang komitmen si Bulanadi sa koponan ng Basilan Steel sa MPBL.

Bigo ang 22-anyos na cager na mabitbit sa finals ang Baste, nang matalo sa kamay  ng Letran Knights, 80-85 sa stepladder semis ng NCAA Season 95.

Subalit umaasa si Bulanadi na sapat ang kanyang pagpapasiklab sa buong season bilang NCAA scoring champion sa likod ng nairehistrong 20.3 puntos, 5.0 rebounds, 2.3 assists at 1.3 steals upang mapalakas ang draft stock.

Ang Basilan Steel ay may 12-8 baraha sa MPBL Lakan Cup.

Ayon kay Bulanadi, may kasunduan na siya at ang Basilan management, na magiging limitado ang kanyang laro sa koponan, lalo na’t kapag nakuha siya sa draft.

Noong nakaraang buwan pa natapos ang deadline sa PBA Draft application para sa Fil-Foreign players pero may hanggang Nobyembre 29 pa ang local cagers tulad ni Bulanadi upang magsumite ng kanilang aplikasyon.

Sa Disyembre 8 gaganapin ang PBA Rookie Draft sa Robinson’s Place sa Ermita, Maynila.

 

243

Related posts

Leave a Comment