REMATCH SA PILIPINAS DAPAT

ROLL VTR Ni VT ROMANO

HIHILING ng rematch ang kampo ni Filipino boxer Rene Mark Cuarto matapos ang split decision loss sa kamay ni Mexican Daniel ‘Cejitas’ Valladares, upang tanghaling bagong IBF miniflyweight champion, Biyernes ng gabi sa Monterrey, Mexico.

Ayon kay Sean Gibbons, MP Promotions president na siyang nagma-manage kay Cuarto, hindi katanggap-tanggap ang naging resulta, kung saan ang mga iskor: 116-111 at 115-112 pabor kay Valladares at 114-113 naman kay Cuarto.

“We feel like we absolutely won the fight. The referee had a bad night. He’s usually a good ­referee, but he made some bad calls,” lahad ni ­Gibbons. “Yes, definitely, we will ask for a ­rematch.”

Ayon sa ulat ng Fightnews.com, nagsimulang uminit ang laban sa round two, nang magpalitan ng malalakas na patama ang dalawang ­boksingero. Sa round three, ilang solido at malalakas na right hand ang naibigay ni Cuarto kay Valladares.

Pagsapit ng round four, dahil sa hindi maiiwasang banggaan ng ulo, putok ang kaliwang bahagi ng mata ng Mexican.

Kahit duguan sa round five, inspirado pa rin si Valladares sa harap ng hometown crowd, nang ma-outbox niya ang Pinoy champion.

Nakontrol ni Valladares ang round six. Bago magsimula ang round seven, tsinek ng ring doctor ang duguang sugat ni Valladares at ipinagpatuloy ang bakbakan.

Nagawang makapagbitaw ni Cuarto ng kombinasyon sa round eight.

Pagdating ng round nine, muling sinilip ng doktor ang sugat ng Mexican boxer, pero ­malaking round ito para sa kanya dahil sa malalakas na ipinatama kay Cuarto, dahilan para dumugo ang ilong nito.

Ang sumunod na rounds, kinuha na ni Valladares.

Isa sa dahilan ng paghingi ng rematch ng kampo ni Cuarto ang point deduction niya sa 10th round, kung saan ilang beses nabigyan ng ­warning sanhi ng paghulagpos ng tape wrap ng kanyang gloves.

Nangyayari kasi ito kapag nabasa na ng pawis, (sa labang ito may kasama pang dugo) yung tape sa gloves dahilan para mag-loose. Hindi kasi maaaring pabayaang nakalaylay ‘yung tape dahil pupuwede itong tumama sa mata.

Pero, malaking tanong, bakit binawasan ng puntos?

Malaking bagay ‘yung one point deduction sa isang laban.

Kung walang deduction, maaaring talo pa rin si Cuarto, pero hindi malayo ang iskor.

Sakaling pagbigyan sa rematch, dapat gawin sa neutral venue. Or kung kakayanin naman, sa Pilipinas na lang i-promote ‘yung laban.

Dahil nga sa pagkatalo ni Cuarto, tanging si WBC featherweight Mark Magsayo ang natitirang world champion ng Pilipinas.

Si Magsayo ay nakatakdang magdepensa ng kanyang korona sa July 9 sa Alamodome sa San Antonio, Texas versus Rey Vargas.

Medyo may pressure kay Magsayo na kailangan niyang manalo para hindi ma-zero ang Pilipinas.

***

INAABANGAN ng fans ang pinale ng rigodon sa NBA ngayong offseason.

Kaabang-abang kung papayag ang Brooklyn Nets sa nais ng Los Angeles Lakers, Russell Westbrook kapalit si Kyrie Irving.

Ang sabi, okey na ‘yung Westbrook-Irving, ‘yung makakasama na lang sa trade deal ang pinag-uusapan.

Maraming nagsasabing dahil dati nang magkasama o nagkasama na dati sina LeBron James at Irving, hindi na mahirap para sa dalawa ang mag-adjust.

Nakakagulat naman ang paghingi ni Kevin Durant ng trade mula sa Nets.

Dahil ba posibleng umalis si Irving, aalis din siya?

Paano naman ‘yung team? Hindi na nga niya nadala kahit sa conference finals, ngayon bigla gusto niyang iwanan.

Papayag ba ang Nets?

Pwede. Pero, sila ang hahanap ng koponan na pupuntahan ni Durant at hindi ang gusto niyang mangyaring puntahan.

Abangan natin ang susunod na mga kabanata ng trade deals.

60

Related posts

Leave a Comment