(NI JJ TORRES/PHOTO BY MJ ROMERO)
LARO NGAYON:
(SMART ARANETA COLISEUM)
7:00 P.M. — TNT VS SAN MIGUEL
(TNT 1-0)
NAGHAHANDA ang TNT KaTropa sa isang malaking resbak ng San Miguel Beermen na posibleng dumiskaril sa kanilang misyon na makuha ang 2-0 lead, sa Game 2 ng PBA Commissioner’s Cup Finals ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Matapos ang tila madaliang panalo noong Game 1, naniniwala ang KaTropa na mas magiging mahirap ang laban na magsisimula ng alas-7:00 ng gabi, lalo na’t inaasahan ang Beermen na gagawa ng mas magandang adjustments.
“Swerte namin na medyo pagod sila (nung Game 1),” wika ni TNT coach Bong Ravena. “But, it won’t matter sa next game. We have to come out strong and be ready because babalik at babalik yan.”
Kinuha ng TNT ang series opener, 109-96, noong Linggo matapos umalagwa sa pamamagitan ng 18-0 run sa pagtatapos ng first quarter na pinangunahan ng import na si Terrence Jones.
Naging pabor din sa KaTropa ang isang araw lamang na pahinga ng Beermen, na nanggaling sa isang matinding semifinal series kontra Rain or Shine Elasto Painters.
“Physically and mentally, we’re not able to recover from the exhaustion that we got from our series in the semifinals,” pahayag ni Austria. “Hopefully we could make the necessary adjustments for Wednesday’s game.”
Krusyal para sa Beermen ang magiging production ng local players matapos manggaling ang mahigit kalahati ng puntos ng team noong Game 1 kina import Chris McCullough at June Mar Fajardo.
Determinado naman ang TNT na pagpatuloy ang magandang ginawa di lamang ni Jones but nila Jayson Castro, Troy Rosario, Roger Pogoy, Don Trollano at Brian Heruela.
Ang Beermen naman ay hangad na makakuha ng isa nanamang productive showing mula kay Chris Ross at Christian Standhardinger at mas magandang opensa mula kina Arwind Santos, Terrence Romeo at Alex Cabagnot.
Susubukan din nilang i-shut down si Jones, na noong Game 1 ay muntik nang mag-produce ng kanyang ika-anim na triple-double sa conference.
132