(NI NOEL ABUEL)
PINAYUHAN ni Senador Panfilo Lacson si Manila Mayor Isko Moreno na magdahan-dahan sa nais nitong ipataw na parusa sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at mga barangay officials na mapatutunayang nagpapabaya sa tungkulin.
Ayon kay Lacson, kailangang dumaan sa tamang rekomendasyon ni Moreno na magpatupad ng one-strike policy sa mga local at police officials na walang ginagawang aksyon sa problema sa basura at sa mga illegal na nagtitinda sa lansangan.
“Meron tayong due process. Hindi pwedeng maski summary dismissal proceedings, kailangan may due process. What if masyadong discretionary o arbitrary ang ginawa? Nasabi ng mayor sa pananaw niya hindi ginawa, sinuspend, you sacrifice due process,” sabi ni Lacson na dati ring namuno sa PNP.
Ginawa ni Moreno ang pahayag matapos dumalo sa pagdinig ng Senate Committee in Local Government sa pamumuno ni Senador Francis Tolentino.
“Kung papanagutin mga mayor, papanagutin na rin ‘yung mga pulis at barangay chairman dahil kawawa naman ang mga mayor. Ang laki-laki ng siyudad,” sabi ni Moreno sa mga miyembro ng Senate Committee on Local Government.
Sinabi naman ni Lacson na hindi na kailangan ng mga MM mayors ang Senado dahil sa hindi na kailangan pa ng batas para mapakilos ang mga barangay chairman.
“Kailangan pa ba ng legislation? Siguro a local government ordinance would suffice. Empowered sila to enforce local ordinances. So kung may ordinance sa Manila, mabuti nga ‘yan para malinis talaga,” sabi pa ni Lacson.
Idinagdag pa ng senador na hindi na saklaw ng LGUs ang pagpaparusa sa mga opisyal ng PNP dahil sa may sinusunod na proseso para i-demote o isuspinde ang mga ito kung saan ang mga LGUs ay may disciplinary actions sa Department of the Interior and Local Government (DILG) habang sa PNP ay nariyan ang National Police Commission (Napolcom).
“Hindi niya saklaw’ yan. Sa PNP na ‘yan. It is not within the authority of the mayor as per RA 6975, ang disciplinary authority, pwede gawin ‘yan through People’s Law Enforcement Board (PLEB), which incidentally is not really that active. Pero kasama ‘yan sa batas. At ‘yan mayor ang may control doon,” giit nito.
149