CAVITE – Sinagip ng mga operatiba ng Cavite Police ang isang 27-anyos na staff ng isang kumpanya matapos na magreklamo na umano’y hindi siya pinapayagang lumabas sa ipinad-lock na opisina sa bayan ng Silang noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang sinagip ng mga operatiba ng Silang Municipal Police Station na si Rayner Villanueva Sasoy, 27, residente ng Pasay City.
Ang pagsagip sa biktima ay bunsod ng impormasyon na natanggap ng Silang MPS sa kanilang Silang SMS hotline number at Facebook Messenger kung saan humihingi ng tulong ang isang lalaking umano’y ilegal na ikinulong sa opisina at pinagbantaan ang kanyang buhay ng manager na si Kenchi Suico, residente ng Calamba City, Laguna, na umano’y nag-o-operate ng ‘love scam’ sa Brgy. Pulong Saging, Silang, Cavite.
Agad nagsagawa ng operasyon ang Silang Police kasama ang mga opisyal ng Barangay Pulong Silang dakong alas-9:30 ng gabi sa nasabing lugar at sinagip ang biktima.
Ayon sa pulisya, hindi pinapayagang lumabas ang biktima at naka-padlock ang gate nito.
Samantala, nadiskubre rin ng rescue team ang 14 pang staff din ng kumpanya.
Humingi na ang pulisya ng tulong mula sa Anti-Cyber Group para sa aplikasyon ng cyber warrant laban sa may-ari ng kumpanya.
(SIGFRED ADSUARA)
