LIMAMPU at pitong taon na ang nakalilipas (1964) nang ang Pilipinas ay unang nagkamit ng medalyang pilak sa Olimpiyada sa kagandahang loob ng boksingerong si Anthony Villanueva, na tinalo ng Rusong si Stanislav Stepaski sa kontrobersiyal na desisyon sa finals ng featherweight division para sa gold medal na ginanap sa tanyag na Korakuen Stadium sa Tokyo.
Kauna-unahang pagkakataon na ang pangunahing siyudad ng bansang Hapon ay naging lupong abala sa Olimpiyada na noon ay nasa XVII edisyon. Unang pagkakataon din iyon na ang isang bansang Asyano ay nakapag-host na kada apat na taong pandaigdig na palaro na kilalang “The Greatest Sports Show On Earth.”
Tatlumpu at dalawang taon mula nang nakasuntok ng Olympic silver medal si Villanueva, nasundan ito ng isa pang pilak mula sa Light flyweight na si Mansueto “Onyok” Velasco sa ika-100 taon ng makabagong Olympics sa Atlanta. Naging kontrobersiyal din ang bigong gold medal ng ‘small but terrible’ na boksingero.
At noong 2016 sa Rio de Janeiro, dinuplika ng weightlifter sa 53-kilogram na dibisyon na si Hidilyn Diaz ang nagawa nina Villanueva at Velasco.
Pangungunahang muli ni Diaz ang tinaguriang “star-studded” delegation ng bansa na binubuo ng dalawang pandaigdig na kampeon sa boksing, isang kampeon sa mundo sa gymnastics, U.S. Women’s Open golf champion at isang itinuturing na “hottest property” ng Philippine athletics. Hinuhulaan ng ilang opisyal sa sports, sa pangunguna ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino, may sapat na kapasidad ang mga nabanggit na putulin ang 96 taon nang pagkauhaw ng sambayanan sa first Olympic gold medal.
Bukod kay Diaz, kumpiyansa si POC prez Bambol, pangulo rin ng cycling federation at kongresista ng Cavite, kina middleweight Eumir Marcial at featherweight Nesthy Petecio na kapwa kampeon sa kanilang dibisyon sa mundo; floor exercise world champ Carlos Yulo; U.S Women’s Open golf winner Yuka Saso; at Asian pole vault champ at record-holder EJ Obiena bilang “best shots” for Olympic gold.
Sila at iba pang Pinoy na nakapasok sa Tokyo Summer Games ay magtatangka para sa mailap na Olympic gold: Irish Magno at Carlo Paalam sa boksing, skateboarder Margielyn Didal, shooter Jayson Valdez, golfers Juvic Pagunsan at Bianca Pagdanganan, weightlifter Elreen Ando, swimmers Remedy Rule at Luke Gebbie, karate jin Kurt Barbosa, judoka Kiyomi Watanabe, rower Cris Nievarez, at sprinter Kristina Knott.
Ang ibang maaaring hindi sinuwerteng makapag-uwi ng kampeonato pero walang dudang magagaling din dahil nabigyan ng tiket papuntang Tokyo, ayon kay Tolentino.
“This is a star-studded team going into Tokyo and perhaps the best shot we have,” sabi rin ni Obiena sa isang interbyu sa telebisyon.
“We have Hidilyn, who’s already won silver in 2016, Nesthy Petecio and Eumir, both world champions in boxing, Caloy, who’s a world champion, too. And you have those other qualifiers. They’re not qualified because they’re not good, they’re qualified because they’re really good and they deserve to be there,” dagdag ni Obiena.
“Hopefully, this year we get the elusive gold for the country and bring some home back, and bring some happiness to the nation that’s greatly in need of that,” sabi pa ng anak nina dating pole vaulter din na si Emerson at hurdler na si Jeanette.
Labinsiyam na araw na lamang at magsisimula na ang Olimpiyada, subalit umaasa pa rin si Cong. Bambol na may ilan pang Filipinong mabibigyan ng karapatang maging Olympian.
