STATE OF CALAMITY IDINEKLARA SA TINDI NG PINSALA NI ‘TINO’

INAPRUBAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang deklarasyon ng state of national calamity matapos ang malawakang pinsalang idinulot ng Bagyong Tino (Kalmaegi) at bilang paghahanda sa banta ng posibleng super typhoon Uwan.

“Because of the scope of, shall we say, problem areas that have been hit by Tino and will be hit by (Typhoon) Uwan, there’s a proposal by the NDRRMC which I approve that we will declare a national calamity,” pahayag ng Pangulo sa media matapos ang situation briefing sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

Ayon kay Marcos, mahigit 10 rehiyon na ang tinamaan o posibleng tamaan ng magkakasunod na bagyo.

“Because ilang regions na yan, almost 10 regions, there will be 10 to 12 regions that will be affected by Uwan,” dagdag pa niya.

Matapos bayuhin ang Visayas at Mindanao ng Bagyong Tino na may malalakas na ulan at hangin, libo-libong pamilya ang nawalan ng tirahan, maraming bayan ang lumubog sa baha, at dose-dosenang landslide ang naitala.

Batay sa pinakabagong datos ng gobyerno, umabot na sa 114 ang nasawi dahil sa pananalasa ng bagyo.

Ang deklarasyon ay naglalayong pabilisin ang relief, rehabilitation, at recovery efforts sa mga apektadong lugar kabilang ang mabilis na access sa calamity funds, price controls sa basic goods, at streamlined na deployment ng national assistance.

Samantala, ayon sa weather bureau, isang tropical depression na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang inaasahang tatama sa Cagayan sa unang bahagi ng susunod na linggo. Papangalanang Uwan kapag pumasok ito sa PAR — ang ika-21 bagyo ngayong taon — at may posibilidad na maging super typhoon.

Tiniyak ni Marcos na ang gobyerno ay nasa “full swing” sa mga operasyon sa Visayas habang sabay na naghahanda sa pananalasa ni Uwan sa Northern Luzon.

Aniya, patuloy ang deployment ng national teams, military, at pulis para maghatid ng tulong, mag-restore ng kuryente at komunikasyon, at maglinis ng mga kalsadang binara ng debris at landslides.

Kasunod nito, iniutos ng Pangulo ang imbestigasyon sa flood control projects sa Cebu, matapos lumubog sa baha ang lalawigan sa kasagsagan ng Bagyong Tino.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, base sa datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH), may 343 flood control projects na itinayo sa Cebu mula 2016 hanggang 2022, at 168 proyekto pa ang inilunsad mula 2023 hanggang 2025.

Sa naturang bilang, dalawa ang terminated, habang 55 proyekto ang kasalukuyang ginagawa.

“Iyan po ang dahilan kung bakit po nagpapaimbestiga ang Pangulong Marcos Jr., may mga budget na inilaan pero mukhang hindi gumagana,” paliwanag ni Castro.

Nanawagan din siya kay Cebu Governor Pamela Baricuatro na makipagtulungan sa national government sa imbestigasyon.

Matatandaang ginamit ni Baricuatro ang social media para ipanaghoy ang matinding pagbaha sa Cebu, at nanawagan ng pagsusuri sa flood control systems sa lalawigan.

Nakatakda namang bumisita si Pangulong Marcos sa Cebu sa mga susunod na araw upang personal na mag-inspeksyon at mamahagi ng tulong sa mga biktima ng Bagyong Tino.

(CHRISTIAN DALE)

89

Related posts

Leave a Comment