DEAD on the spot ang dalawang security guard ng Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos pagbabarilin sa loob ng opisina ng ahensya sa Ipil, Zamboanga Sibugay, ayon sa ulat ng pulisya.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ng Ipil Municipal Police Station, kinilala ang mga napaslang na sina Jamie Dante, 52, residente ng Naga, at Arkhads Muharral, 41, residente ng Tungawan, parehong mula sa Zamboanga Sibugay.
Ayon kay Police Major Pocholo Rolando Guerrero, acting chief ng Ipil Police, Martes ng umaga, nadiskubre ang dalawang bangkay sa receiving area ng BIR office ng naka-duty na utility worker nang magreport ito sa kanyang trabaho.
Kapwa inabot ng kanilang dagliang kamatayan ang mga biktima, si Dante ay may limang tama ng bala sa mukha, baba, at dibdib, habang si Muharral naman ay may apat na tama ng bala, kabilang ang isa sa ulo.
“Nung naabutan po ng personnel ng BIR, patay na ‘yung dalawa, medyo dry na ang dugo,” ayon kay Lt. Gina Magnaye, tagapagsalita ng Zamboanga Sibugay Police Provincial Office.
Ayon sa pulisya, bukod sa nawawala ang CCTV camera sa opisina, hindi rin mahanap ang modem at memory card nito.
Nawawala rin ang service firearms ng dalawang biktima, na hinihinalang tinangay ng mga suspek.
Pinagtutuunan ng imbestigasyon ang ginawang pagbuhos ng gasolina sa mga computer sa loob ng nasabing tanggapan at binuksan din ang isang steel cabinet, kung saan ay nagkalat ang mga dokumento.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang tunay na motibo sa krimen.
(JESSE RUIZ)
108
