STATE OF CALAMITY SA QC IDINEKLARA kahapon ang state of calamity sa Quezon City dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, ang pagsailalim sa state of calamity ng lungsod ay kasunod ng pagdedeklara ng state of public health emergency ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa huling ulat, mayroon nang anim na kaso ng COVID-19 sa Quezon City.
Nanawagan din ang alkalde sa mga magulang at sa mga opisyal ng barangay na panatilihing nasa tahanan ang mga bata.
Pinababantayan din ang kalusugan ng mga manggagawa at ipinakukonsidera sa pribadong sektor ang pagpapatupad ng flexible work arrangements.
Hinimok din ni Belmonte ang regular na pagsasagawa ng sanitation sa mga establisimyento.

4-DAY WORKWEEK
SA MAYNILA
Samantala, simula sa Lunes ay apat na araw na lamang ang pasok ng mga empleyado ng Manila City Hall.
Ayon sa direktiba ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno ” Domagoso, ito ay bilang pakikiisa sa kampanya ng pamahalaan para labanan ang 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Ayon pa sa alkalde, sa ilalim ng 4-day work ay magsisimula ang oras ng trabaho ng alas-8:00  ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi.
Samantala, mahigpit ang utos ng pamunuan ng Manila City Jail na ipagbawal ng 30 araw ang pagbisita sa mga bilanggo.
Kinansela rin ang nakatakdang flag raising ceremony sa Marso 16 at hiniling ni Moreno sa iba’t ibang religious sector na makiisa sa paglaban sa COVID-19.
Kinumpirma pa ng alkalde na  may 4 Patients Under Investigations (PUIs) na nakaratay sa Ospital ng Maynila at dalawa rin sa Sta. Ana Hospital.
TJ DELOS REYES, RENE CRISOSTOMO

118

Related posts

Leave a Comment