Pormal nang tinapos ng House of Representatives ang plenary deliberations para sa panukalang P10.16-bilyong pondo ng Office of the President (OP) para sa 2027.
Ayon kay House Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson at Bataan Rep. Albert Garcia, na nagsilbing budget sponsor sa plenaryo, karamihan sa pondo ng OP ay nakalaan para sa operating expenses, kabilang ang ₱7.46 bilyon para sa maintenance and other operating expenses (MOOE).
“This is an office that tightened its own belt before asking our people or any agency,” ani Garcia.
Mas mababa ng 64.02% ang panukalang pondo kumpara sa ₱28.03-bilyong alokasyon ng OP noong 2026. Ipinaliwanag ni Garcia na pangunahing dahilan nito ang pagtatapos ng mga lokal na proyektong may kaugnayan sa pagho-host ng bansa sa ASEAN 2026.
Kahit alisin ang mga gastusing may kinalaman sa ASEAN, ibinaba rin umano ng ₱392.52 milyon o 3.75% ang pondo para sa regular na programa ng OP kumpara noong nakaraang taon.
Bukod sa OP, tinapos din ng Kamara ang deliberasyon para sa panukalang ₱2.62-bilyong pondo ng Presidential Communications Office (PCO) at mga attached agencies nito para sa 2027.
Si House Committee on Appropriations Vice Chairperson at Mandaluyong City Rep. Alexandria Gonzales ang nagsilbing budget sponsor para sa PCO.
Ayon kay Gonzales, gagamitin ang pondo upang suportahan ang mabilis at tamang paghahatid ng impormasyon sa publiko tungkol sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan, lalo na sa gitna ng pagkalat ng maling impormasyon at AI-generated material sa social media.
“The PCO plays a vital role in ensuring that the Filipino people receive timely, accurate, accessible, and responsible information on government policies, programs and services,” ani Gonzales.
Samantala, inaprubahan din ng Kamara ang panukalang ₱851.39-milyong pondo ng Presidential Management Staff (PMS) para sa 2027, kung saan si Garcia rin ang nagsilbing budget sponsor.
(TINA MENDOZA)
65 