BINUWELTAHAN ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang mga mali aniyang pahayag ni Vice President Leni Robredo kaugnay ng absolute pardon na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Si Pemberton ay nahatulang makulong ng sampung taon dahil sa pagpatay kay Jennifer Laude, ang transgender woman sa Olongapo noong Agosto 2014.
Hindi umano naman maintindihan ni Sec. Panelo kung bakit nag-iingay si Robredo sa usaping ito tulad na lamang ng pahayag nito na: “Isa lang ang kasong ito sa maraming patunay ng pagkiling sa makapangyarihan na nakikita natin mula sa pamahalaan. Napakaraming mga Pilipino na mas magaan ang sala, ngunit hindi nabibigyang-pansin o nabibigyan ng ganitong uri ng pribilehiyo.”
“Paano niya nasabi ‘yun, eh gaya nga ng sinabi ko, eh 135 nga ang na-pardon eh, apat lang ang dayuhan. Pangalawa, hindi ba, marami nang nakulong na malaking tao. Lalo na ‘yung mayayaman na involved sa droga, public officials pa, mga tinanggal ni Presidente,” ang pahayag ni Sec. Panelo.
Kaya nga ang buwelta ni Sec. Panelo kay VP Leni ay hindi totoo ang mga sinasabi nito.
“As usual, mali na naman ‘yung facts niya,” diing pahayag nito.
Samantala, tinawag naman ni Sec. Panelo na ignorante ang abogado ng pamilya Laude na si Atty. Virgie Suarez.
Sa ulat, sinabi kasi ni Atty. Suarez na “This is a travesty of Phil Sovereignty and democracy. This is another hallmark of Philippine’s subservience to the US.”
“Eh kasi nga, ignorante siya sa number of pardons na na-grant. Apat lang ang dayuhan, 135 ang Pilipino,” diing pahayag ni Sec. Panelo.
Wala namang ideya si Sec. Panelo kung sino ang tatlo pang dayuhan na napagkalooban ng absolute pardon bukod kay Pemberton.
“Hindi ko alam, galing ‘yun sa Department of Justice, sila ang may alam nun kung sino. Pero kasama na si Pemberton doon. Yung dalawa pa nga doon parang exchange of prisoners doon sa Arab country,” lahad nito.
Inulit din ni Panelo na nasa Saligang Batas ang paggawad ng absolute pardon ni Pangulong Duterte kay Pemberton.
Sinabi ni Panelo na prerogative ng Pangulo na i-extend ang “mercy or pardon” sa isang tao na nakakulong na natugunan ang kuwalipikasyon.
“yung mga sinasabi nila na kung Pilipino, kulong, ‘yung dayuhan, hindi. Hindi totoo ‘yan, may mga record na sa ating prisons ay makikita na mula noong maupo si Presidente, 139 ang na-grant ng pardon. 4 ang dayuhan, 135 mga Pilipino.
So maling-mali na sila doon. Ano pa ang nirereklamo nila?
Sabi nila, bakit daw ni-release kaagad, kasi ang feeling ng Presidente, naging unfair tayo doon kay Pemberton. Bakit kamo, kasi mayroon tayong tinatawag na good conduct na binibigay sa mga sumusunod sa regulasyon,” ayon kay Sec. Panelo.
Kaugnay nito, wala namang kinalaman sa naging pagbisita ni outgoing U.S. Ambassador Sung Kim sa Malakanyang ang isyu ni Pemberton.
“Ang sabi ni .. ang narinig ko kay Secretary Guevarra, walang kinalaman doon. Usual kasi ‘yun ‘pag-aalis na, nagbibigay ng courtesy call. Goobye call, iyon ay sosyalan lang ‘yun. Hindi pinag-uusapan ang mga official ano doon, subject matters,” ayon kay Sec. Panelo. (CHRISTIAN DALE)
123
