SUNDALO PATAY SA AMBUSH NG NPA

AGUSAN DEL NORTE – Patay ang isang kasapi ng Philippine Army (PA) matapos tambangan at pagbabarilin ng hinihinalang mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA), iniulat nitong Sabado ng umaga sa lalawigang ito.

Kinilala ang biktimang si Col. Neil Denoso, intelligence operative ng 23rd IB Philippine Army, habang sugatan naman si PFC Rick Boy Elegaria.

Batay sa report ng Carmen Police Station, nangyari ang insidente sa Sitio Campo Uno, Barangay Rojales, Agusan del Norte.

Lumabas sa imbestigasyon, sakay ng motorsiklo ang mga biktima galing ng Barangay Manoligao at pabalik na sa Poblacion nang tambangan ng mga suspek na hinihinalang mga miyembro ng NPA sa ilalim ng Guerilla Front 4A, North Eastern Mindanao Regional committee.

Pinagbabaril ng mga rebelde ang mga biktima na ikinamatay ni Denoso habang sugatan si Elegaria.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar, nakapulot sila ng mga basyo ng M16 rifle, t-shirt, at isang pares ng tsinelas.

Nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga tropa ng pamahalaan laban sa mga rebeldeng responsable sa pananambang. (ANNIE PINEDA)

 

428

Related posts

Leave a Comment