Sunod-sunod na paninira kay Romualdez bahagi ng “hit or miss” demolition job ni Guteza sa Senado — Ace Barbers

INIUGNAY ni dating kongresista Ace Barbers ang sunod-sunod na paratang laban kay dating Speaker Martin Romualdez sa tinawag niyang “hit or miss” demolition job na inumpisahan umano kamakailan ni retired Sgt. Orly Regala Guteza sa isang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ayon kay Barbers, na dating pinuno ng House Quad Committee, malinaw umano ang pattern ng mga walang basehang akusasyon na tila bahagi ng isang organisadong kampanya ng paninira upang sirain ang kredibilidad ng dating Speaker.

Tinukoy ni Barbers na ang biglaang paglitaw ni Guteza sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 25, 2025, ang tila nagpasimula ng sunod-sunod na mga ulat at walang beripikasyong pahayag na tumatarget kay Romualdez.

Si Guteza, na nagpakilalang dating sarhento ng Philippine Marines, ay nagsabing siya at ilang kasamahan umano ay personal na naghatid ng ilang maleta ng salapi sa mga tirahan nina Romualdez at mambabatas na si Zaldy Co.

Mariing itinanggi ni Romualdez ang akusasyon at tinawag itong peke, malisyoso, at may halong pulitika, at iginiit na walang naganap na ganitong paghahatid.

Pinuna rin ng kanyang legal team ang pagiging kuwestiyonable ng sinumpaang salaysay ni Guteza dahil sa mga hindi tugmang petsa at pangyayari — kabilang ang impormasyong walang nakatira sa bahay ng mga Romualdez noong panahong sinasabing naganap ang naturang pagdala ng male-maletang pera dahil ang nasabing bahay ay sumasailalim sa pagkukumpuni.

Nanawagan si Barbers sa mga ahensiyang nag-iimnestiga, gaya ng Senate Blue Ribbon panel na sana’y maging maingat sa paghawak ng naturang testimonya, dahil aniya, ang pahayag ng isang saksi na walang kasamang ebidensya
ay maaaring gamitin bilang kasangkapan sa paninira ng pagkatao.

Matapos ang kanyang biglaang pagharap sa Senado, hindi na umano muling sumipot si Guteza sa Department of Justice upang patotohanan ang kanyang mga alegasyon at tuluyang hindi na muling nakita simula noon.

Napansin din ni Barbers na kasabay ng isyu ni Guteza ang paglabas ng mga ulat na nag-uugnay kay Romualdez sa umano’y iregularidad sa mga farm-to-market road project sa Tacloban, pati ang pagpakalat ng pekeng balitang ginagawang state witness si Romualdez.

Noong Setyembre, lumabas ang mga ulat ukol sa umano’y overpricing sa mga proyekto ng farm-to-market road sa Leyte na sinasabing sakop ng impluwensiya ni Romualdez.

Ngunit nilinaw ni Agriculture department Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na ayon sa internal audit ng kanilang ahensiya ay maayos at walang “ghost” o substandard roads na natukoy sa mga proyektong ito sa Leyte at Tacloban.

Pinuna rin ni Deputy Speaker Ronaldo Puno ang kahina-hinala umano ng timing ng mga alegasyon at sinabing ito ay bahagi ng isang sabayang demolition campaign laban sa dating Speaker.

Dagdag pa rito, ilang social media post ang nagpalaganap ng maling impormasyon na ginagawang state witness si Romualdez kaugnay ng imbestigasyon sa flood-control projects.

Agad itong pinabulaanan ng Department of Justice, na nagsabing hindi kailanman nag-apply o isinasaalang-alang si Romualdez para sa anumang witness protection o testimonial immunity.

Tinawag ni dating Justice secretary Jesus Crispin Remulla na “misinformation” ang naturang mga post at nilinaw na walang ganitong usapan sa loob ng DOJ.

Ayon kay Barbers, malinaw na layunin ng mga pekeng balitang ito na ipahiya si Romualdez at bigyang kredibilidad ang mga paratang na hindi naman napatunayan.

Binigyang-diin pa niya na dapat nakabatay sa beripikadong katotohanan ang pampublikong talakayan at hindi sa mga orchestrated na propaganda na sumisira sa tiwala ng publiko at sa reputasyon ng mga tao nang walang due process.

Kaugnay nito, kamakailan ay nagpahayag din ng kaparehong panawagan si Makati Business Club executive director Rafael “Apa” Ongpin na humiling kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na sana ay manatiling patas sa paghahanap ng katotohanan at pananagutin ang mga tunay na responsable sa isyu ng mga proyektong pampubliko, lalo na sa flood control.

Sa kasalukuyan ay wala pang alinmang opisyal na ahensya – maging ang Senado, Department of Agriculture, o Department of Justice – ang nagpatibay ng alinman sa tatlong isyung ito: ang “hit or miss” Senate testimony ni Guteza, ang farm-to-market road allegations, at ang isyung state witness na pawang nananatiling walang matibay na batayan.

5

Related posts

Leave a Comment