SUNTOK sa buwan ang panukala ng ilang congressmen na obligahin ang mga tao na magtayo ng matatag na bahay na hindi kayang iguho at wasakin ng 7.2 magnitude na lindol at 350 kilometer per hour na lakas ng bagyo.
Sa mga government projects na malalaki at matataas na gusali pwede yan pero sa mga bahay ng mga ordinaryong mamamayan at mga pabahay na inuutang ng mga informal settlers mukhang malabo yan.
Sa kagustuhan lang ng ilang kongresista na makasakay sa isyu kapag mayroong malaking pangyayari tulad ng malawakang pagbaha sa Metro Manila, Bicol, Rizal hanggang sa Isabela at Cagayan, inungkat ang isyu sa building code na gustong amyendahan.
Mahigit isang dekada na raw ang panukalang ito na hindi inaaksyunan ng Kongreso. Teka, hindi ba kayo ang nandyan. Sino ang nagpapatulog? Parang kayo mismo. Alam nyong natutulog hindi nyo ginising at saka nyo lang naalala kapag nagkaroon na ng kalamidad.
Sana lang kapag nagising na ang panukalang ito na mahimbing na natutulog sa archives ng Kamara ay seryosohin na. Baka kasi kapag humupa na ang baha sa Cagayan ay makakalimutan na rin ito. Tingin ko, isa na naman itong ‘reaksyunaryong pag-uugali” ng mga policy makers.
Pero ang isinusulong ng ilang mambabatas na gawing matatag daw ang bahay ng mga tao para hindi basta-basta iguho ng lindol at hindi basta-basta mawasak ng malakas na hangin ng dala ng bagyo, eh suntok sa buwan yan.
Bakit kanyo? Saan kukuha ang mga tao sa mga probinsya ng panggastos para sa pagpapatayo ng matatag na bahay. Tandaan nyo, ang mga bahay sa mga probinsya ang laging winawasak ng bagyo.
Hindi nyo ba napansin maraming bahay ang gawa lang sa light materials? Yun lang ang kaya ng budget ng mga tao dahil hindi naman sila tinutulungan ng gobyerno sa pagpapatayo ng bahay.
Pamahal ng pamahal ang materyales sa konstruksyon pero wala namang ginagawa ang gobyerno para makontrol ito kaya papaano makakapagpatayo ng matatag ng bahay ang mga tao?
Saan sila kukuha ng malaking halaga para masiguro na hindi ililipad ng hangin ang kanilang bubong? Mangungutang sa SSS, Pag-IBIG, sa mga bangko? Tingin ko out of touch ang mga policy makers sa kalagayan ng mga taong bumoto sa kanila.
Hindi basta-basta nakaka-utang ang mga tao sa bangko. Hindi rin nakakautang ang mga mahihirap na mga tao sa probinsya sa SSS at Pag-IBIG fund dahil hindi naman sila miyembro.
At kung pauutangin man sila ng mga financial institution na ito, saan sila kukuha ng ipanghuhulog buwan-buwan sa kanilang utang kasama na ang napakalaking interes sa napakahabang panahon eh wala silang regular na hanapbuhay?
Baka pati ang maliit na lupa na minana nila sa kanilang ninuno na pinagtayuan nila ng bahay na popondohan ng mga financial institution na ito ay mareremata kapag hindi sila makapaghulog sa kanilang utang.
Yung mga pabahay ng gobyerno yun ang dapat patatagin nyo dahil hinuhulughulugan yan ng mga benepisaryo. Pero yung mga nasa probinsya na nagtatayo ng sariling bahay… kung gusto nyo
silang tulungan kontrolin nyo ang presyo ng mga construction materials na tuloy-tuloy ang pagtaas.
Sabagay, walang probre sa Kongreso. Lahat sila ay milyonaryo at hindi sila nakaranas maghirap kaya hindi nila alam ang totoong kalagayan ng mga tao sa ibaba na naaalala lang nila kapag
panahon ng botohan. Yung iba naman ay yumaman na, hindi na nila naalala ang kanilang pinanggalingan. Tama?
