HINIKAYAT ni Senador Raffy Tulfo ang Office of the Press Secretary (OPS) na dagdagan ang sweldo ang government media workers upang mas mapaganda ang kanilang performance sa trabaho.
Iginiit din ng senador na dapat iproseso na rin ng gobyerno ang mga hindi pa nababayarang kompensasyon o mga benepisyo ng state-employed media practitioners, partikular ang mga nagtatrabaho sa PTV 4.
“Ang mga taga-gobyerno na mga reporters, tulad ng PTV 4, ay ang frontline pagdating sa disseminating proper information from the government kaya dapat sila ay well-paid at well-taken care of, pero sa nangyayari ngayon, hindi po, eh. Sila po ay aping-api. Ayusin natin ang pasweldo sa kanila,” pahayag ni Tulfo.
“Tulad ng reporters sa PTV 4, bakit below industry standards ang pasweldo sa kanila? Kung hindi sila bibigyan ng maayos na sweldo, how can they properly disseminate correct information to the masses kung sila ay demoralized?” giit pa nito.
Ipinaliwanag pa ng senador na ang mababang sweldo na ibinibigay sa mga reporters at journalists ay maaaring humantong sa kanilang hindi patas na pag-uulat.
“There are some instances na dahil kulang ang pasweldo at kulang ang benepisyo, marami sa kanila ay napipilitan na lumapit po sa politiko sa mga taga-gobyerno para sa pang gamot sa kanilang mga anak, pambili ng bigas or sometimes kapag mayroon silang emergency, they need help for their family,” diin ni Tulfo.
“Once that happens, sila po ay indebted sa politiko na tumulong sa kanila so nagiging bias na po minsan ang kanilang reporting,” dagdag pa nito.
Para kay Tulfo, dapat palakasin ng government-owned networks ang kanilang news and public affairs programs upang mapataas ang kanilang viewership. (DANG SAMSON-GARCIA)
191 