TAAL VOLCANO NAGTALA NG 36 LOW FREQUENCY EARTHQUAKES

NAKAPAGTALA ng 36 low frequency volcanic earthquakes ang Bulkang Taal noong Biyernes.

Ayon sa inilabas na bulletin ng Phivolcs, dakong alas-8:00 ng umaga nitong Sabado, may nangyari ring upwelling ng mainit na volcanic gas sa lawa ng main crater ng bulkan na lumikha ng plume o usok na may taas na 900 metro.

Ang ibinugang sulfur dioxide o SO2 ay humigit-kumulang 2,451 tonelada kada araw mula noong Abril 1.

Nakataas pa rin sa Alert Level 3 ang bulkan at sa lagay na ito, ayon sa Phivolcs, ay nanunuot ang magma sa ilalim ng main crater na maaaring magdulot ng karagdagan o malakas na pagputok.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng Phivolcs ang lahat na ang buong Taal Volcano Island ay isang Permanent Danger Zone kaya’t mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok dito at sa high-risk barangays ng mga bayan ng Agoncillo at Laurel.

Ayon sa Phivolcs, lahat ng mga aktibidad sa Taal Lake ay dapat ipagbawal sa ngayon.

Hinikayat din ng Phivolcs ang mga residente sa paligid ng Taal Lake na maging mapagmatyag at mag-ingat dahil sa posibleng ashfall at vog at maging laging handa sa posibleng paglilikas kung sakaling ang aktibidad ng Taal ay lumala.

Sinabihan din ang mga piloto na iwasang magpalipad ng eroplano malapit sa bulkan dahil sa nakakalat na abo, umiitsang bato, at pyroclastic density currents tulad ng base surge na maaaring makaapekto sa aircraft, at sa posibleng biglaang pagputok ng bulkan.

270

Related posts

Leave a Comment