TABLOID REPORTER, 2 PA HULI SA PAGBEBENTA NG BARIL

IPRINISINTA nina NCRPO chief PMGen. Anthony Aberin at SPD Director BGen. Joseph Arguelles, ang matataas na kalibre ng baril na nakumpiska sa tatlong suspek na kinabibilangan ng isang kagawad ng media sa buy-bust operation nitong Lunes ng gabi sa Guadalupe Nuevo, Makati City.

Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Gaynor,” 52-anyos, reporter; “John,” 26-anyos; at Rodrigo. Nagmula umano sa lalawigan ng Cavite ang ibinebentang baril ng mga ito.
Wala rin maipakita ang mga suspek na kaukulang dokumento o Comelec exemption.

Ayon kay Aberin, mag-iisang buwan na isinailalim ang mga suspek sa surveillance operation hanggang sa nagkaroon ng buy-bust operation na nagresulta ng kanilang pagkaaresto sa tapat ng isang apartelle sa Kalayaan Avenue sa nasabing barangay.

Nakuha sa kanilang pag-iingat ang tatlong 5.56 caliber long firearms at isang 45 caliber, mga bala at magazine. Nakumpiska rin sa kanila ang boodle money na nagkakahalaga ng P479,000.00, isang P1,000.00 bills na ginamit na marked money, ID’s kabilang ang dalawang ID ng Media.

Samantala, nakuha naman sa reporter ang isang Glock 21 Gen 4 pistol, apat na 45 caliber magazine, at 16 rounds ng live ammunition habang kay Rodrigo ay isang extended magazine at isang Glock magazine, para sa Cal. 45, kasama ang dalawang Taurus magazine ng Cal. 9mm.

Nasa kustodiya na ng NCRPO ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Firearms and Ammunition Regulation Act, kaugnay ng Republic Act 7166 at Comelec Resolution 11067, na nagbabawal sa pagbitbit ng baril sa panahon ng eleksyon sa pagitan ng Enero 12 at Hunyo 11 taong kasalukuyan.

(TOTO NABAJA)

55

Related posts

Leave a Comment