BILANG tugon sa rekomendasyon ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), naglabas ng direktiba ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) para sa pagtatalaga ng mga opisyal ng pulisya na tanging trabaho ay saklolohan ang mga peryodistang malalagay sa peligrong dala ng kanilang trabaho.
Ayon kay Interior and Local Government Sec. Eduardo Año, magtatalaga na rin ng media complaint desk sa bawat himpilan ng pulisya kung saan maaaring dumulog ang mga mamamahayag na nahaharap sa bantang kalakip ng propesyon.
Ayon kay Undersecretary Jose Joel Sy Egco, Executive Director ng PTFoMS, malaking bagay para sa kapakanan ng mga kasapi ng media ang pagkakaroon ng Media Security Focal Persons, lalo pa’t karaniwang tumataas ang bilang ng mga hina-harass at pinapaslang na mamamahayag sa tuwing papasok ang panahon ng halalan.
“With the elections fast approaching, we are very grateful to DILG Secretary Eduardo Año and Usec. Jonathan Malaya for this welcome and important development in our quest to protect the life, liberty and security of media workers,” ani Egco na isang dating peryodista.
“This is a significant milestone to shield journalists from threats and other forms of violence throughout the archipelago,” dagdag niya.
Una nang binigyang pansin ang lumalaking bilang ng karahasan laban sa mga kasapi ng media bago sumapit ang eleksyon, sa panahon mismo ng kampanyahan at kahit pagkatapos ng halalan.
“The infamous massacre in Ampatuan, Maguindanao in November 2009 is a constant reminder that media workers are mostly vulnerable a few months before, during and a few months after every election. We will never let this happen again.”
Samantala, ikinalugod naman ng isa pang dating peryodista sa Kamara, ang pagtatalaga ng mga opisyal ng PNP sa bawat himpilan para maging tulay ng mga nasa peligrong mamamahayag sa PTFoMS.
Ayon kay House Assistant Majority leader Nina Taduran, malaking tulong sa hanay ng mga lehitimong peryodista ang Media Security Focal Persons sa lahat ng himpilan ng PNP, lalo na’t delikado ang gagampanang papel ng media sa nalalapit na halalan sa Mayo.
“Media workers face threats, pressure and intimidation in relation to their work especially during election period. Armed with nothing but their pens and their words, they bravely do their jobs amidst all challenges,” ani Taduran.
Nito lamang nakaraang Miyerkoles, pinaslang ng hindi pa kilalang suspek ang isang komentarista sa radio sa Tacurong City sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Sa tala ng Reporters Without Borders, si Jaynard Angeles na ang ika-18 mamamahayag na napaslang mula nang maging Pangulo si Rodrigo Duterte noong Hunyo ng taong 2016.
“Media is very important especially at this time when we want the truth about the elections to be delivered in the safety of our homes. Ligtas tayong nakikinig at nanonood sa kanilang mga balita, pero ang mga taga-media, hindi napoprotektahan nang husto sa kanilang trabaho,” pagtatapos ni Taduran. (JESSE KABEL/ BERNARD TAGUINOD)
195 