MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT
HINDI na ako magtataka kung walang gustong sumunod sa Maximum Suggested Retail Price (MSRP) ng Department of Agriculture (DA) sa karne ng baboy dahil imbes na ang mga supplier at middlemen ang puntiryahin ay ang retailers lang.
Noong Marso 10, sinimulang ipatupad ang MSRP sa karne ng baboy at itinakda ang presyo nito mula P350 hanggang P380 lamang. Tugon ito ng gobyerno sa biglang pagtaas ng presyo nito na umabot sa P480 noong Pebrero.
Kaso mukhang palpak na naman ang DA dahil gusto nila ang mga retailers ang magsasakripisyo habang tuloy naman ang ligaya ng suppliers at middlemen na siyang nagpapataas talaga ng presyo ng mga bilihin.
Kung talagang gusto ng gobyerno na maibaba ang presyo ng karne ng baboy at iba pang bilihin, puntiryahin ang mga nagsu-supply at kapag hindi sumunod ang retailers ay sila ang isunod na habulin.
Ang problema, walang batas na magpaparusa sa mga negosyante na hindi susunod sa SRP kaya pang press release lang ang MSRP na itinakda ng DA sa karne ng baboy para siguro masabi lang na umaaksyon sila sa problema.
Meron na ba kayong naalala na nakasuhang negosyante na hindi sumunod sa SRP? Mismong ang Department of Trade and Industry (DTI) ang umamin sa isang pagdinig sa Kongreso, na walang batas para dyan.
Kaya pinagtatawanan ng mga negosyante ang gobyerno sa totoo lang, kapag meron silang pautot na ganyan. Walang sumusunod dahil alam nilang walang batas at walang political will para habulin ang mga nagsasamantala.
Marami ang nagsasabi na kung maaari ay hindi na sila magbabayad ng buwis dahil sa mga korupsyon na nangyayari sa gobyerno at ginagamit sa mali kaso wala silang magawa lalo na ang mga ordinaryong tao at mga manggagawa.
Bago kasi matanggap ng isang empleyado ang kanyang sahod ibinawas na ng employer ang parte ng gobyerno sa kanyang pinaghirapan kaya gustuhin man niyang huwag nang magbayad ay hindi niya magagawa.
‘Yung mga walang trabaho, may binabayaran ding buwis kapag bumili sila ng pagkain at mga bagay na kailangan nila at wala rin silang magawa kahit ayaw nilang magbayad talaga dahil sa korupsyon na nangyayari sa ating bansa.
Sigurista kasi ang gobyerno kaya bago mo matanggap ang sahod mo at mapakinabangan ang mga bagay na binili mo, kinuha na nila ang kanilang parte kaya hindi mangyayari ‘yung panawagan na huwag magbayad ng buwis.
Ang nakasasama lang ng loob ay tila hindi maproteksyunan talaga ng gobyerno ang mga tao laban sa mapagsamantalang mga negosyante at hindi matigil ang katiwalian kaya masama ang loob nila kapag nagbabayad sila ng buwis.
