ITINANGGI ng Philippine Navy na nasa kustodiya o proteksyon ng Philippine Marines si Mr. Orly Regala Guteza, ang tinaguriang “surprise whistleblower” sa multi-bilyong pisong flood control project scandal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ito ang tugon ng Hukbong Dagat ng Pilipinas kasunod ng pahayag ni dating congressman Mike Defensor na umano’y pinoprotektahan ng Marines si Guteza at kasalukuyan itong nanunuluyan sa loob ng Marines compound.
Sa opisyal na pahayag ni Capt. Marissa Martinez, tagapagsalita ng Philippine Navy, nilinaw niyang, “The Philippine Navy emphasizes that Mr. Orly Regala Guteza has been retired from the Philippine Marine Corps since June 30, 2020. As a retired serviceman, he no longer falls under the administrative authority of the Philippine Navy. Any engagements or interactions he may have at present are undertaken in his personal capacity.”
Dagdag pa ni Martinez, “It must also be made clear that Mr. Orly Regala Guteza is not under the protection of the Philippine Marine Corps, which has no involvement in his personal affairs.”
Binigyang-diin din ng opisyal na nananatiling tapat ang Philippine Navy sa mandato nito bilang isang propesyonal at non-partisan organization, na nakatuon sa pagtataguyod ng soberanya ng bansa at tapat na paglilingkod sa sambayanang Pilipino.
Magugunitang biglang lumutang si Guteza sa Senate Blue Ribbon Committee hearing, kung saan idiniin niya ang umano’y papel niya bilang dating security consultant ni former Rep. Zaldy Co, at ang pagdadala umano niya ng maleta-maleta ng pera sa bahay nina Co at Leyte Rep. Martin Romualdez, na mariing itinanggi ng dalawang mambabatas.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Defensor: “Currently nasa Philippine Marines compound siya. He has been there ever since the Senate hearing. If you recall, ayaw niyang mapunta sa custody ng Senate o ng Witness Protection Program ng DOJ.”
Ibinunyag din ni Defensor na may nagtangkang lumikida kay Guteza kamakailan, ngunit nakaligtas umano ito matapos masakote ng mga Marines ang mga kahina-hinalang indibidwal sa paligid ng compound.
Samantala, lumabas naman sa desisyon ng Manila Regional Trial Court (RTC) na peke ang lagda sa sinumpaang salaysay ni Guteza na isinumite sa Senado. Dahil dito, inabswelto ni Executive Judge Carolina Iscasiano-Sison ng RTC Branch 18 si Atty. Petchie Rose Espera, na umano’y biktima rin ng pamemeke dahil ginamit ang kanyang pirma at notarial details nang walang pahintulot.
Batay sa pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI), magkaiba ang pirma ni Espera sa dokumentong inihain ni Guteza na patunay na pineke ang notaryo na ginamit sa kasong may kaugnayan sa flood control anomalies investigation.
(JESSE RUIZ)
29
