TARGET ni KA REX CAYANONG
PORMAL nang nanumpa si Representative-Elect Iris Montes ng 4K Party-list sa harap ni Hon. Agripino R. Bravo, Executive Judge ng Regional Trial Court, Branch 55 sa Lucena City, bilang paghahanda sa kanyang pag-upo sa 20th Congress sa darating na Hunyo 30.
Isa itong makasaysayang hakbang hindi lamang para kay Rep. Montes kundi para rin sa mahigit kalahating milyong Pilipino na buong pananalig na nagbigay sa kanya ng mandato.
Ang kanyang panunumpa ay hindi lamang isang ritwal na kinakailangan, kundi isang konkretong panata ng tapat na paglilingkod sa bayan.
Sa isang panayam, mariin niyang inilahad ang kanyang mga hangarin—ang pagsusulong ng mga panukalang batas at programang magsusulong sa kapakanan ng kababaihan, magtitiyak sa proteksyon ng bawat pamilyang Pilipino, at magbubukas ng pantay na oportunidad para sa lahat. Mga layuning malinaw na nakaugat sa tunay na diwa ng representasyong makatao at inklusibo.
Sa panahon kung kailan kinakailangan natin ng mga lider na hindi lamang mahusay kundi may pusong handang makinig at kumilos, isang pag-asa ang hatid ng panunungkulan ni Rep. Montes. Ang kanyang mga ipinangakong adbokasiya ay sagot sa matagal nang panawagan ng mga sektor na madalas ay hindi naririnig sa mga bulwagan ng kapangyarihan.
Ang kanyang pagtanggap sa responsibilidad ay pagpapatunay na sa Kongreso, may puwang para sa mga lider na tunay ang hangarin: ang maging boses ng mga nasa laylayan, tagapagtanggol ng karapatan, at tagapagtaguyod ng pantay-pantay na lipunan. Nawa’y maging matatag siyang haligi ng malasakit at pagbabago sa loob ng lehislatura.
Sa kanyang pag-upo bilang kinatawan ng 4K Party-list, dalangin natin na manatili siyang tapat sa kanyang sinumpaang tungkulin at maging inspirasyon sa mga susunod pang henerasyon ng mga lingkod-bayan.
