MALASAKIT AT PAGPAPAHALAGA SA MGA SUNDALO

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

HALOS araw-araw, laman ng mga balita ang mga aksidente at krimen – nakababahalang mga pangyayari na nagbabanta sa ating seguridad. Kaya napakahalaga ng papel na ginagampanan ng pamahalaan kasama ang kapulisan para masiguro ang kaligtasan ng ating komunidad.

Pati ang mas malawak na mga banta sa kalayaan at kapayapaan sa ating bansa, isa ring alalahanin dahil maraming lugar sa bansa ang may banta pa rin sa kaligtasan, at siyempre pati ang isyu sa ating teritoryo na hanggang ngayon hindi pa ganap na naaayos.

Sa kabila ng mga kaguluhang ito – tuluy-tuloy pa rin tayo sa mga araw-araw nating gawain, tiwalang nariyan naman ang mga magpoprotekta sa atin. Kaya naman, bilang pagpapahalaga sa kanila, nakatutuwa itong bagong proyektong magbibigay ng world-class na serbisyong pangkalusugan para sa kanila.

Tinawag na Bagong Bayaning Mandirigma Casualty Care Center, ang bagong pasilidad na nasa loob ng AFP Medical Center sa Quezon City ay proyekto ng Congressional Spouses Foundation kasama ang mga One Meralco Foundation, PLDT-Smart Foundation, at Metro Pacific Investments Foundation na pawang pinangungunahan ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan.

Mayroong minor operating room, trauma at wound care center, mga silid at ward na kayang magbigay serbisyo sa mahigit 400 na pasyente sa isang buwan. Ang Meralco Industrial Engineering Services Corporations ang nag-renovate at naghanda ng naturang pasilidad.

Ayon kay Pangilinan, simbolo ang proyekto ng pagtutulungan ng pribadong sektor at pamahalaan para bigyang pagpapahalaga ang mga sundalo.

At hindi pa rito magtatapos ang proyekto. Magkakaroon pa ng Cancer Care Center ang naturang pasilidad ngayong taon. Suportado rin ito ng Makati Medical Center, isang ospital na bahagi rin ng grupo ni Pangilinan.

Isa itong konkretong patunay na hindi tayo nagmamalabis kapag sinabing ang ating mga sundalo ay karapat-dapat sa pinakamagandang pangangalaga. Malaking hakbang ang pagkakaroon ng ganitong pasilidad para mapanatili ang kanilang kagalingan at mabigyan sila ng karampatang suporta habang sinisiguro nila ang maayos at ligtas na kinabukasan nating mga Pilipino.

Higit sa ginhawa at benepisyong dala nito, nagpapahayag din ito ng malasakit sa mga taong handang isakripisyo ang kanilang buhay para sa kapayapaan at seguridad ng lahat.

Ang mga serbisyong pangkalusugan na nagliligtas ng buhay ay nagbibigay-diin sa halaga ng bawat isa sa kanila—mga modernong bayani na patuloy na nagsisilbing sandigan ng ating bansa. Sa simpleng paraan, pero puno ng kabuluhan, nagpapalalim ang ganitong mga proyekto ng ating pasasalamat at respeto sa kanila.

Isa lamang ito sa maraming proyektong pinaglalaanan ng pondo, panahon, at pagpapahalaga ng pribadong sektor na mahalaga talaga ang papel na ginagampanan para makatulong sa iba’t ibang miyembro ng ating lipunan.

Hindi naman kasi pwedeng iasa ang lahat sa pamahalaan, at kahit na karamihan sa atin hindi natin binibigyang halaga ang mga bumubuhay at nagpapalago sa ating ekonomiya – marami silang natutulungan. Hindi lamang dahil bahagi ito ng tinatawag na social responsibility, kundi dahil importante para sa kanila ang pagkakaroon ng inklusibo at sustainable na pag-unlad na makakamit lamang kung tayong lahat – lalo na ang mga Pilipinong hindi masyado naaabot ng mga serbisyo at ayuda, nakatatanggap din ng tulong at kalinga para umayos at gumanda ang kanilang buhay.

Kaya saludo sa mga importanteng pagtutulungan na nagbibigay ng pangmatagalang benepisyo sa napakaraming Pilipinong tunay na nangangailangan.

84

Related posts

Leave a Comment