TASK FORCE VS ILLEGAL RECRUITERS MINOBILISA

MINOBILISA ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang PNP Task Force Against Illegal Recruiters para masupil ang hindi makataong modus operandi ng ilegal na recruitment agencies o personalities na nagsasadlak sa mga Filipino na naghahanap ng maayos na buhay, sa kapahamakan.

Pinasimulan nang pakilusin ni PNP chief, P/General Guillermo T. Eleazar ang binuong task force laban sa illegal recruiters matapos malagdaan ang memorandum circular na magpapaigting sa kanilang operasyon at magbibigay proteksyon sa mga Pilipino na nagnanais magtrabaho sa ibayong dagat, mula sa iba’t ibang modus operandi.

Sa ilalim ng memorandum circular, pinakilos nito ang PNP Task Force Against Illegal Recruitment (PNP-TFAIR) na naatasang pag-aralan at maglunsad ng operasyon laban sa iba’t ibang modus operandi ng illegal recruiter sa pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies (LEAs).

Ayon kay P/Gen. Eleazar, “Hindi man masyadong napapansin dahil sa pandemya, marami pa ring kababayan natin ang nabibiktima ng mga illegal recruiter na nagreresulta sa pagkabaon sa utang ng kanilang pamilya at kadalasan pa nga ay nauuwi sa kapahamakan ng ating mga OFW (Overseas Filipino Worker)”.

“On orders of our SILG Eduardo Año, I have signed a Memorandum Circular revitalizing the PNP Task Force Against Illegal Recruitment which directs the CIDG to conduct a crackdown against these unscrupulous persons taking advantage of our kababayan who aspire to work overseas as a means to escape poverty and sufficiently provide

for their families.”

Sinabi pa ni P/Gen. Eleazar na mandato rin ng PNP-TFAIR ang magkasa ng surveillance at entrapment operations sa mga nasasangkot sa illegal recruitment kabilang ang escort services sa mga pandaigdigang paliparan at iba pang ports of departure.

Inaasahang makapagbibigay rin ito ng target list base sa intelligence gathering, partikular na sa mga impormasyong ibinibigay ng mismong mga biktima.

Ayon sa PNP chief, “Part of this memorandum is working closely with other government agencies for the protection of our OFWs as our own little way of recognizing their big contribution to the economy over the years”.

Nanawagan si P/Gen. Eleazar sa publiko na gawin ang ibayong pag-iingat at maging mapagmatyag laban sa mga taong posibleng pagsamantalahan ang kanilang pagnanais na makapagtrabaho sa ibang bansa.

Pinayuhan din niya ang mga ito na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung sila ay nabiktima ng mga kawatan.

Sinabi pa ng PNP chief na may iba’t ibang paraan para malaman kung lehitimo ang mga recruiter, ilan sa mga ito ay alamin sa Philippine Overseas Employment Administration kung lehitimo o hindi ang kanilang katransaksyon.

“Panawagan ko sa ating mga kababayan na huwag mag-atubiling dumulog sa PNP kung sila ay may impormasyon sa mga illegal recruiter o ‘di kaya ay biktima ng mga ito. Ang impormasyon na ibibigay ninyo ay isang malaking tulong upang hindi na makapangbiktima ang mga illegal recruiter na ito,” wika pa ni P/Gen. Eleazar. (JESSE KABEL)

195

Related posts

Leave a Comment