Tatlong buwang training camp sa Calamba para sa Olimpiyada

NATAPOS na ang matagal na hinihintay ng mga Pilipinong atleta, sa pangunguna ni ­boxing Olympic qualifier Irish Magno, na masimulan nang makapaghanda sa nalalapit na XXXII Olimpiyada na gagawin sa Tokyo ngayong taon.

Ang flyweight na si Magno ang tanging naiwang Olympian na mula noong makapasok sa ipinagpalibang palaro noong Marso, ay hindi pa nakatutuntong ng ring at sa buong panahong nakalipas ay kinakitaan ng pagkagutom sa ensayong matagal na niyang hinihiling at ipinagkakait kapuwa ng Association of Boxing Alliances in the PhilippInes (ABAP) at Philippine Sports Commission (PSC).

Si Magno ay isa sa 46 na atletang pumasok sa Inspire Sports Academy bubble training camp sa Calamba, Laguna noong Sabado para maghanda sa mga nalalapit na kompetisyong lalahukan ng bansa, kabilang ang 31st Southeast Asian Games sa Vietnam bago matapos ang taong 2021.

Pangungunahan ni Magno ang 27 lalake at babaeng boksingerong miyembro ng national training pool na magtatangka pang maging karapat-dapat na makalahok sa Tokyo Games, kabilang si Nesthy Petecio, ang naghaharing world featherweight amateur champion.

Bagama’t sinalubong ng masaya nina Magno at Petecio at ng iba pang miyembro ng national pool ang bagong pangyayaring ito, hindi rin nawala ang kanilang mga agam-agam na maaaring huli na para nila makuha ang kondisyong kailangan upang matupad ang misyong iniatang sa kanilang mga balikat.

“Welcome sa amin ang ­development na ito, although it’s rather late in the day,” magkakapareho nilang pahayag sa magkakahiwalay na panayam sa SAKSI NGAYON isang linggo bago ilunsad ang bubble.

Apat pa lamang ang ­representante ng bansa sa Tokyo Olimpiad kasama ang isa pang boksingero na si Eumir Marcial, pole vauter Ernest John Obiena at gymnast Carlos Yulo. Sa apat, si Magno lamang ang tanging naiwan dito sa Pilipinas na walang ensayo.

Si Marcial ay tatlong buwan nang naghahanda sa ilalim ng popular na si Freddie Roach at kanyang training team na binubuo nina Pilipino assistant Marvin Somodio at conditioning coach Justin Fortune.

Si Obiena ay nasa Italya at doon naghahanda, samantalang si Yulo ay nasa Tokyo.

Pinilit ding maisama ng ABAP at PSC si Marcial sa bubble na tinanggihan ng huli sa pangambang mawala na naman ang benepisyong nakuha niya sa ilalim ng Wild Card Gym sa Los Angeles na pag-aari ni Roach. Gaya ng pagkawala ng mga pakinabang na nakuha niya sa kampanya niya sa Asia Oceania Olympic Qualifier noong Marso ng nakaraang taon, na nabawi niya sa maigsi niyang pamamalagi doon.

Matatandaang sa kakulangan ng ensayo, nagpasiya si Eumir na mag-pro at tumungo kay Roach para makiusap na sa Hall of Fame trainer na tulungan siyang makapaghanda. Ilang linggo pa lamang ang nakararaan ay matagumpay siyang nag nag-debut bilang pro nang talunin niya ang Amerikanong si Andrew Whitfield sa apat na round shotout sa Carson City sa L.A.

Maging ang mga miyembro ng national coaching staff ay sumang-ayon sa desisyon ni Eumir, na anila’y walang makukuhang benepisyo ang boksingero sa Calamba bubble.

Isa sa mga mahalagang bahagi ng training ay ang sparring na hindi kailanman makukuha ni Marcial sa bubble, ayon kay ­training head Pat Gaspi na sinangayunan nina men’s team head coach ­Ronald Chavez at women’s team head coach Boy Velasco.

Bilang isang middleweight, anang tatlong coach, walang makakapareha si Marcial sa bahagi ng sparring, kaya ­napakalaking kawalan ito sa kanya na hindi matutumbasan kahit magpunta ang koponan sa Thailand.

Bagaman at may maipagmamalaki nang Olympic gold medal ang Thailand, wala pa rin silang middleweight na pansagupa kay Eumir sa aspeto ng sparring.

“Wala, sero, nada, walang mapapala si Eumir sa pagpunta dito para sumama sa bubble.” sabat ni Velasco. “Kaya nga tama ang desisyon niyang hindi umuwi kung lalahok lamang sa bubble. At maging sa pagdayo sa Thailand.”

Si Petecio, kasama ng kanyang kapuwa Mindanao-based boxers Carlo Paalam, Marvin Tabamo, John Paul Panuayan, Mario Fernandez at Marjon Pianar, ay lumipad sa Maynila noong Sabado para sa bubble. Ganun din ang mga Manila at Luzon-based teammates nilang sina Aira Villegas at dating world champion Josie Gabuco.

Kasama rin sa bubble sina national coaches Elmer Pamisa, Boy at Roel Velasco, Mitchel Martinez, Gaspi, Jojen at Rogen Ladon at Australian consultant Don Abnett.

Dumating din ang iba pang miyembro ng team na sina Ian Clark Bautista, James Palicte, Jere Samuel dela Cruz, Riza ­Pasuit at coach Reynaldo Galido galing Bacolod City.

Dumating din sa Calamba ang mga karatekang sina Jamie Lim, Jason Ramil Macaalay, Ivan Agustin, Shrief Afif at Alwayn Batican at kanilang coach Jonel Perania at Norman Montalvo para sa kanilang hiwalay na bubble training.

Kasama rin sa bubble sina Taekwondo jins Kirstie Elaine Alora, Kurt Barbosa, Arven Alcantara, Joseph Chua, Samuel Morrison, Jessica Canabal, Laila Delo at coaches Carlos Padilla, Al Christian dela Cruz at Luis De Mesa.

Ang tatlong pambansang koponan ay mamamalagi sa kanila-kanilang bubble camp sa loob ng 90 araw.

126

Related posts

Leave a Comment