Tauhan laglag sa drug buy-bust CALOOCAN SUB-STATION POLICE OFFICIALS, SINIBAK

IPINAG-UTOS ni Northern Police District  (NPD) Director Brig. Gen. Ulysses G. Cruz  na sibakin sa puwesto ang hepe ng Caloocan City Police Station (CCPS) Bagong Silang Sub-station (Sub-station 13) at ilan pang mga opisyal nito kasunod ng pagkakaaresto sa isa nitong tauhan sa isinagawang drug buy-bust operation sa nabanggit na lungsod noong Huwebes, Agosto 4 ng taong kasalukuyan.

Ayon sa NPD, kabilang sa mga dinisarmahan ang commander ng Sub-Station 13, assistant commander, shift supervisor at team members kasunod ng pagkakaaresto sa pulis na kinilalang si P/Cpl. Mark Jefferson Lopez, 30, ng Samson Road, Caloocan City.               

Napag-alaman, umabot sa 500 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P3,400,000 ang halaga, ang nakumpiska mula sa aktibong pulis at kasama nito sa ikinasang buy-bust operation ng PDEA RO-NCR noong Huwebes ng hapon sa Caloocan City.

Alas-5:00 ng hapon nang ikasa ang operasyon sa kanto ng Zabarte Road at Camarin Road, Brgy. 172, Caloocan City na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek.

Kasamang naaresto ang umano’y kasawat nito na si John Raster Jale Munoz ng Bagong Silang, Caloocan City.

Nakumpiska sa mga ito ang isang baril ng Glock 17; isang pistol magazine; 19 piraso ng live ammunitions; isang PNP ID card; tatlong cellphone; tatlong nakabuhol na transparent na plastic bag na ang bawat isa ay naglalaman ng white crystal substance; ilang bundle ng pekeng pera, at Caloocan City vaccination card.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).         

Ayon naman kay Caloocan City Police Station chief, Col. Samuel Mina, ang administrative relief order na inilabas laban sa hepe ng sub-station at mga tauhan nito ay dahil sa bigong pagsubaybay ng pamunuan nito laban sa ilegal na mga aktibidades ng kanyang mga tauhan. (ALAIN AJERO)

232

Related posts

Leave a Comment