IPINORMA na ang isang panukalang batas sa Kamara na dagdagan ang ang aralin o subject ng mga estudyante sa bansa partikular na sa “tax literacy and responsibility”
Sa House Bill (HB) 76, nais ni Albay Rep. Edcel Lagman na ituro ang subject na ito mula elementarya hanggang kolehiyo.
Maging ang mga estudyante na kumukuha ng technical at vocational courses ay ituturo umano ang subject na ito kapag naipasa sa susunod na Kongreso na pormal na nagsimula kahapon bagama’t sa Hulyo 25 pa pormal na bubuksan.
“Tax Consciousness and Responsibility Act will complement the government’s efforts to improve tax collection efficiency to accelerate economic recovery,” ayon sa mambabatas.
Sinabi ni Lagman, mahalagang habang bata pa ay maturuan na ang mga estudyante hinggil sa pagbubuwis sa bansa dahil sa ngayon ay walang ideya rito ang mga estudyante lalo na sa elementarya at high school.
Kabilang sa ituturo ang taxation history at kahalagahan ng buwis sa national at local development, papaano ito ginagamit sa basic social at economic services, ano-anong uri ng buwis ang sinisingil at iba pa.
Sa sandaling maipasa aniya ang nasabing panukala, aatasan ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na gumawa ng tax education curriculum at modules.
Kailangang makipag-ugnayan aniya ang nabanggit na mga institusyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), tax experts, lawyers, academicians at local and national youth organizations para sa gagawing tax education curriculum at modules. (BERNARD TAGUINOD)
411 