TEODORO BIKTIMA NG PAMUMULITIKA?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KINUKWESTYON ngayon ang timing ng paghahain ng kaso laban sa alkalde ng Marikina.

Tanong ng ilan: Kung totoo ang mga kaso, bakit hindi ito agad isinampa? Hindi ba’t mas mahahawakan itong maigi at dadaan sa tamang proseso kung maagap ang pag-aksyon?

Kung bakit nga naman kasi natiyempo na ngayong mag-eeleksyon ay saka biglang lumutang ang pagsasampa umano ng kaso sa Ombudsman laban kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro gayung sinasabi na nangyari ang insidente noon pang 2021 at 2022.

Heto pa, iyong mismong inaakusahan, hindi natanggap ang reklamo, pero ang media, nakakuha na.

Kaya naman para sa mga sumusuporta sa alkalde, ito ay hindi tungkol sa pananagutan. Hindi tungkol sa hustisya kundi isang laro ng maruming pulitika kung saan hindi mahalaga ang due process basta’t perpekto ang timing.

Isang laro na hindi hinahanap ang katotohanan kundi para makontrol ang paggawa ng kuwento. Isang laro na ang akusasyon mismo ang nagsisibing parusa, at hindi mahalaga kung malakas, mahina o totoo ang kaso. Ang mahalaga ay lumabas ang isyu sa headline sa tamang panahon.

May punto naman sila.

Sa loob ng dalawang taon ay walang reklamo, walang pagkilos at walang kaso na nangyari. Ngayon sa panahon ng eleksyon, bigla na lang may lumabas na kontrobersiya.

At gaya nang inaasahan, makikita ito kahit saan. Hindi sa hukuman, hindi sa kamay ng akusado, kundi sa media. Hindi ito legal na pagkilos. Ito ay planadong atake.

Hindi mahalaga kung titindig ang kaso sa korte. Hindi mahalaga kung ito’y totoo. Ang mahalaga ay lilikha ito ng pagdududa. Na ito’y lalabas sa news cycle. Na mapipilitan ang tao na magdalawang-isip tungkol sa kanilang nalalaman tungkol sa kanilang lider.

Ngunit mga taga-Marikina na mismo ang nagsasabi na hindi matatalo si Teodoro pagdating sa leadership. Hindi anila mabubura ang maraming taon ng totoong serbisyo na nasaksihan ng Marikina. Hindi rin puwedeng agawin ang kredito sa mabuting pamamahala ng kanilang alkalde.

Malinaw ‘yan sa mga Marikeño dahil sila ang saksi sa mga pagbabago sa kanilang lungsod. Sila lang ang makapagsasabi kung tunay o naging tapat ang kanilang lingkod-bayan.

Kung solido ang paniniwala at suporta ng mga taga-Marikina ay hindi ‘yan magagawang burahin sa isang iglap o sa mga paratang na walang batayan.

Sina Cong. Stella Quimbo at Sen. Koko Pimentel ang katunggali ng mga Teodoro. Ang pagpapasya ay nasa mga taga-Marikina.

7

Related posts

Leave a Comment