MAGUINDANAO – Patay ang isang miyembro ng Dawlah Islamiya terrorist group habang arestado naman ang dalawang iba pa sa pagsalakay ng mga sundalo sa ilalim ng Joint Task Force Central, sa pinagtataguan ng mga ito sa Brgy. Nabundas, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao, noong Sabado ng umaga.
Kinilala ang napatay na si Tong Bomber habang arestado naman ang dalawang sina Nondo Sangalan at Tong Sangalan, parehong nasa hustong gulang at nakumpiska ang M14 rifle at dalawang improvised explosive device, habang isang sundalo naman ang sugatan.
Ayon sa ulat mula kay Lieutenant Colonel Benjamin Cadiente, commanding officer ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion, mabilis na nagresponde ang mga tauhan nito matapos makatanggap ng ulat hinggil sa presensya ng Dawlah Islamiya sa lugar.
Habang patungo ang mga sundalo sa lugar bandang alas-8:00 ng umaga ay agad silang pinaputukan ng mga suspek na nagresulta sa engkwentro at ikinamatay ng isang suspek at pagkatimbog sa dalawang kasama nito.
Ang matagumpay na operasyong ito ay dahil sa patuloy na kooperasyon ng mamamayan sa mga sundalo at ilan pang ahensya ng pamahalaan na nakatutok sa seguridad, pahayag ni Colonel Pedro Balisi, commander ng 1st Mechanized Brigade.
Agad namang pinuri ni Maj. Gen. Juvymax Uy, commander ng JTF Central at 6th Infantry Division, ang maagap na pagresponde ng mga tauhan ng 33IB hinggil sa presensya ng DI sa lugar.
“Your actions have saved countless lives that could have been victims of these suspected terrorists,” dagdag na pahayag ni Maj. Gen. Uy. (BONG PAULO)
127 