TERRORIST SPOKESMAN, 17 IBA PA SUMUKO SA MILITAR

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Labingwalong mga lokal na terorista kabilang ang kanilang tagapagsalita, ang nagpasyang magbalik-loob sa pamahalaan bitbit ang kanilang mga sandata sa Maguindanao del Sur.

Ayon sa Army 6th Infantry Division, kusang-loob ang pagbalik-loob sa pamahalaan ng 18 former rebels dala ang iba’t ibang uri ng high powered firearms, sa himpilan ng 92nd Infantry Battalion sa Brgy. Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Iprinisenta ni Lt. Col. Christian V. Cabading, Commanding Officer ng 92IB, ang mga nagbalik-loob kay Brigadier General Vladimir R. Cagara, Commander ng 1st Brigade Combat Team (1BCT).

Kabilang sa isinukong mga armas ang isang .50 caliber rifle, isang M4 rifle, isang M16A1 rifle, tatlong M14 rifles, isang M1 Garand, anim na sniper rifles (7.62mm), isang carbine, isang Uzi, dalawang 60mm mortars, at apat na rocket-propelled grenades (RPGs).

Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan ng pamahalaan at mga peace stakeholders kabilang sina Hon. Board Member Yasser Ampatuan, Chairman of the Peace and Order and Public Safety Committee; Hon. Hamana U. Sinangkad, Chief of Staff of the Vice Governor; Hon. Bassir D. Utto, Mayor ng Datu Saudi Ampatuan; Hon. Moadz Alim, Vice Mayor ng Datu Saudi Ampatuan; mga kinatawan mula sa MSWO at MPOS-BARMM, at iba pang lokal na opisyal at kasamahan sa seguridad.

“Ang pagbabalik-loob ng mga miyembrong ito, lalo na ng kanilang tagapagsalita, ay malinaw na patunay na nawawalan na ng tiwala ang mga nasa loob ng teroristang grupo sa kanilang maling ipinaglalaban.

Ito rin ay bunga ng walang sawang suporta ng ating local leaders, stakeholders, at ng mamamayan na nagnanais ng tunay na kapayapaan.

Ang 1BCT ay patuloy na nakahandang umalalay upang matiyak na ang kanilang pagbabalik-loob ay magiging simula ng bagong yugto para sa kanilang mga pamilya at komunidad,” pahayag pa ni Brig. Gen. Cagara.

Samantala, sinabi naman ni Major General Donald M. Gumiran, Commander, 6ID at JTF Central, malaking tagumpay sa pagpapanatili ng kapayapaan ang kusang pagbabalik-loob ng 18 miyembro ng lokal na teroristang grupo.

“Isa itong patunay na mas mananaig ang kapayapaan kaysa karahasan, at mas lalong tumitibay ang pagkakaisa ng pamahalaan, security sectors at mamamayan laban sa terorismo. Ang 6th Infantry Division ay patuloy na magsusulong ng mga programang magbibigay ng panibagong pag-asa at direksyon para sa mga dating naligaw ng landas,” pahayag pa ni Gumiran.

(JESSE RUIZ)

50

Related posts

Leave a Comment