THINKING ALOUD ni CLARIE FELICIANO
Hindi pa rin natitigil ang mga scam at para bang mas dumarami ito. Kasabay ng pag-advance ng teknolohiya, talaga namang hindi pa rin natitinag ang mga manloloko para makakuha ng pera sa hindi magandang paraan.
Ayon sa National Telecommunications Commission at telecommunications providers, napakarami nang text scam messages ang na-block pero kahit ganito, tila hindi pa rin ito nauubos.
Araw-araw, marami pa ring nabibiktima ng mga mapanlinlang na mensahe dahil nage-evolve o nagbabago na ang mga ito. Ito pa lang paggamit ng mga opisyal na channel ng mga bangko at e-wallet, kung hindi ka magiging mapanuri, maiisip mong lehitimo ang mga mensahe.
Nito lang nakaraang linggo, nakatanggap ako ng tatlong text mula sa official channel ng isang bangko na aktibo kong ginagamit. Ang sinasabi ng mensahe, mage-expire na daw ang credit card points ko sa loob ng limang oras at kailangan kong i-click ang link para ma-redeem ang points.
Ganito rin ang scam na nagmumula sa opisyal na channel ng isang e-wallet channel, kung saan sinasabi naman na kailangang i-click ang link para daw makuha ang refund sa singil sa kuryente na ipinatutupad ng Meralco.
Paulit-ulit nang nagpaalala ang Meralco sa mga customer nito tungkol sa naturang scam. Ginagamit ng mga scammer ang SMS spoofing para magmukhang lehitimo ang text at kapag na-click ang link, mapupunta ang user sa phishing site na layong nakawin ang kanilang personal na impormasyon o pera.
Nilinaw ng kumpanya na hindi sila gumagamit ng third-party platform sa pagproseso ng refund. Direktang ibinabawas ng Meralco sa buwanang electric bill ang mga refund at hindi pinadadala sa text messages o kahit emails. Pinayuhan din ang publiko na magsagawa lamang ng transaksyon sa mga business center ng Meralco o sa kanilang opisyal na communication channel at agad na i-report ang mga ganitong panloloko para agad ma-block ang mga link at maiwasan ang mas marami pang mabiktima.
Bilang ordinaryong mamamayan, nakapapagod at nakaiinis na laging kailangan maging mapagmatyag pero wala naman tayong choice. Kung hindi natin sasabayan ng pagiging mapanuri, talagang mabibiktima rin tayo lalo na nga’t marami nang paraang ginagamit ang mga scammer para lang makapanloko.
Kung dati, ang paalala lang ay siguruhing mula sa lehitimong channels ang mga mensahe bago maniwala. Ngayon, ultimo itong mga channel na ito na ginagamit natin para mag-ipon o magbayad, napasok na rin ng mga manloloko.
May mga ginagawa na ang mga kumpanya at mga service provider kagaya ng SMS filtering, paglalagay ng reporting hotlines para sa mga scam, at may awareness campaigns. Pero habang nagiging mas agresibo ang panloloko, kailangan talagang sabayan ito.
Baka naman pwede pang magkaroon ng mas mahigpit na verification sa SMS sender IDs para hindi basta-basta makagamit ng pangalan ng isang bangko o kumpanya para magpadala ng text o kaya naman real-time warning systems tulad ng push notifications kapag may natanggap kang kahina-hinalang text.
Hindi rin dapat tumigil sa pagsulong at pagpapalaganap ng mabilis at madaling reporting process. Dapat lahat tayo ay alam kung paano gawin ito.
Maraming proactive information drives ang pamahalaan, pribadong sektor at advocacy groups – pero kailangan talagang mas palaganapin pa ang kaalaman at paglaban tungkol dito. Kaya ba? Kaya ‘yan!
