NANINIWALA ang isang lider ng mababang kapulungan ng Kongreso na mababawasan ang pandaraya ng mga politiko tuwing eleksyon dahil magiging mabilis na ang desisyon sa election protest sa national, local o barangay.
Ginawa ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang pahayag matapos aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 9315 o “Expeditious Resolution of Electoral Protests Act” sa botong 213 pabor at walang tumutol.
Ayon sa mambabatas, malakas ang loob ng mga politiko na mandaya dahil alam ng mga ito na natutulog lang sa korte at electoral tribunal ang kanilang kaso.
“Interminable delays in the disposition of cases put a cloud of doubt on the victory and legitimacy of the declared winners. These also encourage unscrupulous candidates to cheat, knowing that protests take years to resolve,” ani Rodriguez, pangunahing may akda ng panukala.
Sa ilalim ng panukala, binibigyan na lang ng 24 buwan ang Presidential Electoral Tribunal (PET) na resolbahin ang election protest na isasampa laban sa nanalong pangulo at pangalawang pangulo.
Ganito rin ang panahon na itinakda sa pagresolba ng Senate Electoral Tribunal (SET) sa election protest sa nanalong senador habang 12 buwan naman ang deadline sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) para sa reklamo laban sa kongresista. Anim na buwan naman sa mga barangay official at maging ang mga quo warranto case na kinukuwestiyon sa kwalipikasyon ng mga nanalong kandidato.
Lahat ng miyembro ng PET, SET at HRET kasama na ang Huwes ay hindi pasasahurin kapag hindi naresolba ng mga ito sa itinakdang panahon ang election protest na inihain sa kanilang tribunal.
Ipapasa naman sa naghain ng protesta ang lahat ng gastos ng tribunal tulad ng pagbabayad sa mga revisor kapag napatunayan na mali ang kanyang alegasyon subalit kapag pinaboran ito ng korte at mga electoral tribunal ay ang mga iprinotesta ang pagagastusin. (BERNARD TAGUINOD)
161 