ANG suspek na si Bernardo Tiñga at ang droga at baril na nakumpiska umano sa kanya.
DINAKIP ng mga tauhan ng Taguig City Police Sub-station 4 sa bisa ng search warrant ang isang umano’y miyembro ng Tiñga drug group kamakailan.
Ang suspek na si Bernardo Tiñga ay sinilbihan ng search warrant na inisyu ng Taguig RTC Branch 15 ni Judge Byron San Pedro sa bahay nito sa P. Mariano St., Barangay Ususan.
Nakuha sa 56-anyos na suspect ang isang kalibre .45 na baril, mga bala at diumano’y shabu na nagkakahalaga ng P95,000.
Ilang miyembro na ng sinasabing Tiñga drug group ang naaresto, kasama ang iba pang high-value drug personalities sa lungsod.
Magugunita na noong 2016, nasentensiyahan ng korte si Joel Tiñga dahil sa pagbebenta ng droga, gayundin ang isang Ely Tiñga, na asawa ng isang Noel Tiñga, pinsan umano ni dating Mayor Freddie Tiñga, noon naman sumunod na taon.
Noong 2020, sa ikinasang buy-bust operation ay naaresto ang isang Patrick Ace Tiñga dahil sa P20 milyong halaga ng shabu. (DANNY BACOLOD)
