(CHRISTIAN DALE)
NANGAKO ang Philippine Information Agency (PIA) na paghuhusayin pa nito ang “accessibility” ng government data para sa lahat ng mamamayang Pilipino.
Ito’y kaugnay sa pagtatanong ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro sa estado ng freedom of information (FOI) sa bansa sa idinaos na House committee hearing on appropriations ukol sa panukalang 2023 budget ng Office of the Press Secretary (OPS), noong Biyernes.
Nilinaw ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na hindi na hinahawakan ng OPS ang FOI requests at sa halip ang PIA, bahagi ng Office of the President, ang gumagawa nito ngayon.
Bilang tugon sa tanong ni Castro, sinabi ni PIA Deputy Director General Karl Fajardo na ang FOI services ay dapat maging maayos dahil ang PIA ay mayroong 16 regional offices at 78 provincial offices sa buong kapuluan.
Aniya, “this would make it possible for their officers to handle more Freedom of Information Act (FOI) requests and lobby for FOI-related laws in front of local government units.”
Binanggit naman ni Castro ang pangangailangan na mapakinggan ang commitment ng PIA na kilalanin ang FOI, tinukoy na sa nakalipas ay hirap makakuha ng kopya ng statements of assets, liabilities and networth (SALN) ng mga taong-gobyerno.
At nang tanungin ukol sa inisyatiba ng PIA na maging mas accessible ang FOI request sa persons with disabilities (PWDs), sinabi ni Fajardo na makikipag-ugnayan sila sa National Council of
Disability Affairs upang lumikha ng programa at polisiya na makapagbibigay ng “preferential priority” para sa “PWDs requesting information.”
Giit pa ni Castro ang pangangailangan na magkaroon ng Filipino Sign Language interpreters na hahawak sa FOI requests –rekomendasyon na ang pangako ni Fajardo ay isama sa plano ng PIA na makapagbigay ng accessible information sa PWDs.
Walang budget
Samantala, inamin ng OPS na wala pang pondo na nakalaan para labanan ang misinformation sa panukala nitong budget para sa taong 2023.
“Under the National Expenditure Program for 2023, wala pa po. Kaya ang ginagawa namin is we do what we can. Nagdo-double time ‘yung aming mga empleyado for our social monitoring,” tugon ni Cruz-Angeles kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman sa isinagawang pagdinig ng House appropriations committee kaugnay sa budget ng OPS.
Ani Cruz-Angeles, plano ng kanyang tanggapan na lumikha ng fact-checking team at magbigay ng karagdagang impormasyon ukol sa mga misinformation at potensyal na fake news na kanilang namo-monitor sa pamamagitan ng social media.
Tinukoy nito ang ginawa nilang pagpapaliwanag ukol sa “exercise of visitorial powers” kumpara sa raid o pagsalakay sa gitna ng kamakailan lamang na sunod-sunod na pagpunta ng Bureau of Customs sa ilang bodega na pinaghihinalaang nagtatago ng asukal.
“Hindi pa po ganon kalaganap siguro sa punto na lahat ng instances of potential fake news ay masasagot namin. Gayunpaman ay inuumpisahan namin na mas responsive kami doon sa mga issues tungkol sa mga government functions, sa exercise ng executive powers and so on,” ayon kay Cruz-Angeles.
Nagpanukala ang OPS ng P1.22 billion budget para sa susunod na taon, sinasabing “24% less” mula sa kasalukuyang pondo nito.
Bahala naman ang plenaryo kung pagbibigyan ang panukalang budget ng OPS.
