Sa Indonesia, Singapore trip BUSINESS DEALS TARGET NI PBBM

(CHRISTIAN DALE)

UMALIS na patungong Indonesia si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nitong Linggo, Setyembre 4, 2022.

Umaasa ang Pangulo na makapag-uuwi siya ng maraming business deals na magpapalakas sa economic ties ng Pilipinas sa Indonesia at sa Singapore na kasunod niyang bibisitahin.

Ito ang kauna-unahang foreign trip ni Pangulong Marcos nang maupo siya bilang Pangulo noong Hunyo.

Inaasahan naman na makikipagkita ang Pangulo sa Filipino community sa kanyang pagdating sa Indonesian capital.

“This is to once again put the Philippines in a position where we have strong alliances and strong partnerships which are necessary for us to come out of the post-pandemic economy,” ang bahagi ng mensahe ng Pangulo bago ang kanyang pag-alis.

“So I leave to undertake my first state visit to our immediate neighbors, Indonesia and Singapore. In other words, ako’y mangangapit-bahay para sa ating bansa at para sa ating ekonomiya,” dagdag na pahayag nito.

Magsisimula ang aktibidad ng Pangulo sa Indonesia ng Setyembre 4 hanggang 6, bilang tugon na rin sa imbitasyon ni Indonesian President Joko Widodo.

Inaasahan na pag-uusapan ng dalawang lider ang “active and multifaceted cooperation in defense, maritime border security, economic development, and people-to-people exchanges.”

“We’ll be discussing the current state and the future as we see it of the bilateral relationship between the Philippines and Indonesia and the changing geopolitical environment,” ayon sa Pangulo.

Para naman sa Department of Foreign Affairs (DFA), masasaksihan din nina Marcos at Widodo ang paglagda ng ilang mahahalagang kasunduan sa larangan ng depensa at kultura at ang komprehensibong plano ng aksyon, na magtatala ng mga bilateral na prayoridad ng dalawang bansa sa susunod na limang taon.

Inaasahan ding babanggitin ni Pangulong Marcos ang kaso ni Mary Jane Veloso sa mga opisyal ng Indonesia.

Samantala, kabilang sa delegasyon ni Pang. Marcos sina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Finance Secretary Benjamin Diokno, Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual, Budget Secretary Amenah Pangandaman, Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, and Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Felipe Medalla.

“My state visits to our ASEAN neighbors will seek to harness the potential of our vibrant trade and investment relations. As such, an economic briefing, business forums, and meetings have been organized to proactively create and attract more investments and buyers for our exports in order to accelerate the post-pandemic growth of our economy,”ayon sa Punong Ehekutibo.

Kasunod na pupuntahan ng Pangulo ang Singapore.

“Bibisita rin ang Pangulo sa ating mga kababayan sa Singapore at Indonesia para personal na ipaabot ang commitment ng pamahalaan na protektahan ang kanilang mga karapatan at kapakanan bilang OFWs,” ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa kanyang Facebook post.

Ang Indonesia ay tahanan ng 8,000 Pilipino habang ang Singapore ay mayroong mahigit 200,000 overseas Filipinos.

VP Sara aaktong OIC

Kaugnay nito, itinalaga si Vice-President Sara Duterte bilang Officer-In-Charge (OIC) habang wala si Pangulong Marcos Jr. mula Setyembre 4 hanggang 7, 2022.

Sa ipinalabas na Special Order No. 75, nakasaad dito na upang matiyak na magpapatuloy ang government service, kailangan magtalaga ng OIC para siyang mangalaga sa day-to-day operations ng Office of the President (OP).

Bukod pa rito, ang OIC ang mangangasiwa sa general administration ng Executive Department.

Ang nasabing kautusan ay nilagdaan ni Executive Secretary Victor Rodriguez.

Pag-uwi ni Veloso
iniaasa na kay PBBM

Samantala, umaasa ang minorya sa maabang kapulungan na magagawa ni Pangulong Marcos Jr., ang hindi nagawa ng dalawang sinundan nitong pangulo – ang mapauwi si Mary Jane Veloso.

Umaasa si Assistant Minority Leader Arlene Brosas na hihilingin ng Pangulo kay Indonesian President Joko Widodo na mabigyan ng clemency si Veloso.

“Veloso has been languishing in jail for so long for a crime she didn’t commit. Natapos na ang termino ng 2 presidente at may bagong Pangulo na, kaya dapat pursigihin ang pagpapalaya sa kanya,” ani Brosas.

Naaresto si Veloso noong Abril 2010 dahil sa drug smuggling at nasentensyahan ng parusang kamatayan noong October 2010. Itinakda ang pagbitay sa kanya noong Abril 2015.

Gayunpaman, ipinagpaliban ang parusa dahil sa apela ng gobyerno ng Pilipinas matapos lumabas na biktima lamang ito ng sindikato ng droga subalit nabigo si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na makumbinsi ang Indonesian government na pagkalooban ito ng clemency.

Hindi rin gumalaw si dating Pangulong Rodrigo Duterte para pagkalooban ng executive clemency ni Widodo si Veloso kaya hiniling ni Brosas kay Marcos na gawin ang mga hindi nagawa nina Aquino at Duterte.

“Veloso is a victim of human trafficking, just like several other Filipinos who continue to face the death row up to now — most of whom are women,” ayon sa mambabatas kaya dapat umanong gawin lahat ni Marcos ang paraan para makauwi na ito sa bansa ng buhay.

Bukod kay Veloso, may 65 pang Pilipino na karamihan ay mga babae ang nasentensyahan ng death penalty sa iba’t ibang bansa kaya iginiit ng kongresista na “dapat magkaroon ng agarang aksyon sa mga kasong ito at palakasin ang mga mekanismo kontra human trafficking”. (May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)

150

Related posts

Leave a Comment