NANARIWA sa mga taga-Barangay Sacred Heart ang panahon ng panunungkulan bilang punong barangay ni Atty. Vic Rodriguez nang dalawin sila nito noong Sabado.
Dumalo bilang panauhin pandangal sa Gift Giving 2024 ng Brgy. Sacred Heart sa Quezon City si Atty. Rodriguez na ginanap sa Kamuning Elementary School.
Mainit ang naging pagtanggap sa kanya ng mga residente patunay na hindi humupa ang suporta ng mga ito mahabang panahon man ang lumipas mula nang huli niya silang paglingkuran.
Ayon sa unang Executive Secretary ng administrasyong Marcos Jr., natural sa mga Pilipino na sa tuwing sasapit ang mahahalagang okasyon tulad ng Kapaskuhan ay dinadalaw ang malalapit na mahal sa buhay, mga kabarangay, kakilala, kaibigan, kababata at kamag-anakan.
Aniya, noon pa man ay nagsasagawa na sila ng gift giving tuwing sasapit ang Disyembre at sa tulong ng mga kaibigang negosyante ay nakapagpapasaya sila ng mga kalugar.
Tiniyak din niya sa mga taga-Sacred Heart na hindi niya nakalilimutan ang mga ito kaya naisip niyang dumalaw bago mag-Pasko.
Sa kanyang pananalita ay nagbalik-tanaw si Atty. Rodriguez kaugnay ng kanyang karanasan nang maglingkod sa edad 20 bilang chairman ng Brgy. Sacred Heart.
Kwento niya, malaki na ang ipinagbago ng kanilang lugar dahil mula sa pagiging residential area noon, ngayon ay mayroon na itong naglalakihang mga establisimyento, patunay ng pag-unlad.
Aniya pa, nasemento ang mga kalye ng Brgy. Sacred Heart tulad ng Scout Rallos, Scout Torillo, Ybardolaza at iba pa sa tulong ni noo’y Mayor Belmonte.
Bagaman inuudyukan pa umano siya noon ng kanyang mga kabarangay na patuloy na maglingkod ay kinailangan niyang huminto upang tutukan ang kanyang pag-aaral ng kursong abogasya.
Panghuli, hindi nakalimutang pasalamatan ni Atty. Rodriguez bukod sa mga residente, si dating Quezon City mayor at House speaker Sonny Belmonte dahil sa suporta nito noong siya ay kapitan ng Brgy. Sacred Heart. Pinasalamatan din niya ang kasalukuyang Punong Barangay na si Camille Malig-David at mga kagawad ng Brgy. Sacred Heart dahil sa kaayusan ng nasabing lugar.
Naging emosyonal naman ang ilan sa mga dumalo sa okasyon dahil hindi anila sila nakalimutan ni Atty. Rodriguez, ang pangunahing instrumento sa pagbabalik sa Malakanyang ng isang Marcos.
Sa mga larawan ay makikita ang katuwaan sa mga residente na magiliw na naki-pose kasama si Atty. Rodriguez.
Ipinangako rin nila ang maigting na suporta sa kampanyang war on corruption ni Rodriguez na pangunahing bitbit nito sa kanyang pagtakbo bilang senador sa 2025 midterm election.
Si Atty. Rodriguez ay kilala nang lumalaban sa korupsyon mula pa noong punong barangay ito ng Brgy. Sacred Heart. (JOEL O. AMONGO)
