TOTAL LOCKDOWN SAGOT DAW SA COVID-19

PUNA

TOTAL lockdown daw ang sagot para mabawasan ang mahawaan ng COVID-19, ayon kay Albay Rep. Joey Salceda.

Sa pahayag ni Salceda, sa total lockdown sa Metro Manila ay mangangahulugang tigil lahat sa trabaho.

Ang papayagan lamang na makapagtrabaho ang media, medical workers, sundalo, pulis at iba pang may kinalaman sa pagtulong sa isyu ng COVID-19.

Pero, dapat suportahan daw ng gobyerno ang kanilang pangangailangan tulad ng kanilang pagkain at iba pang bayarin at kwentado na rin daw ni Cong. Salceda kung magkano ang gagastusin ng gobyerno at kakayanin naman daw ito ng gobyerno.

At pagdating ng ­recovery na ay kailangan umano ng pamahalaan na mangutang para may ­gamiting panggastos.

Sabi pa ng mambabatas, kung community quarantine lang ay hindi pa rin makakatiyak na makokontrol ang pagkalat ng Coronavirus dahil patuloy pa ring lumalabas ang maraming Pinoy sa Metro Manila para magtrabaho..

Rekomendasyon din niya na dapat hindi paabutin ng isang buwan dahil ­masyado raw itong matagal.

Ipararating daw ng mambabatas kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang panukala kung sasang-ayunan ito.

May punto po si Cong. Salceda sa kanyang ­sinasabi dahil hanggang ngayon marami pa nga naman ang nakakalabas sa kanilang mga tahanan sa kabila ng ipinatutupad na community quarantine.

Natural lang na kung marami pa rin ang nakakalabas sa kanilang bahay ay sila naman ang kandidato na magkaroon ng COVID-19.

Hindi rin lahat ng mga dumadaan sa exit at entry points ng thermal scanner o namomonitor kung may coronavirus nga o wala ang mga motorista.

Subalit kung total lockdown na nga mas madali mamomonitor ng gobyerno ang lahat na nasa kalye dahil kukonti na lang sila.

At kasama na ang PUNA bilang media.

Habang ginagawa natin ang kolum na ito ay nasa 20 katao na ang positibo ng COVID-19.

Patuloy naman ang paglobo ng Patient Under Investigation (PUI) na direktang nakasamuha ng mga nagpositibo ng virus.

Lagi nating binabanggit sa kolum na ito na hanggang ngayon ay wala ng alcohol, face mask at sanitizers na mabibili sa mga pamilihan.

Paging PNP at DTI paikutin n’yo na ang mga tauhan n’yo at hanapin ang mga nagtatago ng mga items na ito.

Ipakulong n’yo para hindi sila pamarisan sa kanilang pananamantala.

Nagtaas na rin ngayon ang presyo ng Saging na Lakatan matapos mapabalitang maganda raw itong panglaban sa coronavirus.

Nagkakahalaga na raw ngayon sa P100 kada kilo ng saging na dati ay P50 hanggang P60 lamang ang presyo.

Saan na ang price monitoring ng DTI? Kumilos na kayo!

-oOo-

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

 

246

Related posts

Leave a Comment