(BERNARD TAGUINOD)
HINDI umaasa ang grupo ng kababaihan na aaminin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang tunay na estado o kalagayan ng mga Pilipino sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes, July 22.
Kasabay nito, sinabi ni Clarice Palce, secretary general ng Gabriela na kinakatawan ni Rep. Arlene Brosas sa Kamara na kahit anong pagpapaganda na ginagawa sa Batasan Pambansa Complex para sa ikatlong SONA ni Marcos ay hindi maitatago ang paghihirap at gutom na nararanasan ng mga Pilipino.
“Anoman ang pagpapaganda ng Kongreso para sa SONA ni Marcos, hindi nito matatakpan ang tunay na kalagayan ng mga Pilipino,” ani Palce dahil mula pa noong Mayo ay katakut-takot na pagpapaganda ang ginagawa sa Batasan Pambansa Complex.
“Ayon mismo sa mga survey, ang pangunahing problema ng mamamayan ay ang mataas na presyo ng pagkain at utilidad, mababang sahod, kawalan ng trabaho, at korupsyon ng gobyerno!” dagdag pa nito.
Gayunpaman, tiyak na kokontrahin aniya ito ni Marcos sa kanyang SONA at ipagmamalaki ang kakarampot na umento sa sahod kung saan hindi pa lahat ng rehiyon ay merong umento ang mga manggagawa.
Malamang umano na ibabalandra rin ng Pangulo ang ibinebentang bigas sa mga Kadiwa Center sa halagang P29 kada kilo subalit iilan lang ang nakabibili at malayo pa rin sa ipinangako nitong P20 kada kilo noong panahon ng eleksyon.
“Ano ang maipagmamalaki ni Marcos sa kanyang SONA kung ang mga ordinaryong mamamayan ay hindi makabibili ng sapat na pagkain para sa kanilang pamilya? Kung ang mga manggagawa ay hindi makabuhay sa kanilang sahod? Kung ang mga magsasaka ay patuloy na nawawalan ng lupa?” tanong pa ni Palce.
Dahil ito, nanawagan ang grupo ni Brosas sa mamamayang Pilipino na huwag magpaloko sa mga pangakong walang laman at magpakita ng pagkakaisa sa mga protesta sa araw ng SONA.
“Huwag tayong magpabudol sa mga magagara at mabulaklak na salita at mga pangako. Ang tunay na estado ng bansa ay makikita sa ating mga komunidad, sa mga pamilyang nagugutom, sa mga manggagawang pinagsasamantalahan. Manindigan tayo para sa ating mga karapatan at ipaglaban ang tunay na pagbabago,” apela ni Palce sa mamamayan.
