TAONG 1997 nang lumikha ng eskandalo sa mundo ng pelikulang Pilipino ang piyesang “Totoy Mola” na pinagbidahan ng mahusay na aktor na si Jay Manalo. Ang mga kababaihan sa pelikula, nahumaling kay Totoy Mola dahil sa kanyang extra-large na kargada.
Makalipas ang dalawa’t kalahating dekada, muling nabuhay ang interes ng masa sa isang balitang kumakaladkad kay Jay Manalo kaugnay ng diumano’y kahalayan sa isang masahista. Pero teka, hindi ang premyadong artista ang bida kundi ang isang halal na opisyal sa bayan ng Mataas na Kahoy sa lalawigan ng Batangas.
Siya si Vice Mayor Jay Manalo Ilagan na sinampahan kamakailan sa Department of Justice (DOJ) ng kasong “Acts of Lasciviousness” at “Grave Threat” kaugnay ng paratang na kahalayan sa isang 33-anyos na babaeng masahista sa loob mismo ng bahay ng nasabing opisyal.
Sa pagsasaliksik, lumalabas na hindi pala ito ang unang pagkakataong nakaladkad ang kanyang “busilak” na pangalan sa kahalayan. Katunayan, taong 2013 nang sampahan siya ng kasong “Rape” at “Human Trafficking” (na kalaunan ay ibinasura ng korte) ng isang 19-anyos na babaeng diumano’y ginahasa ng opisyal sa Ormoc City sa lalawigan ng Samar.
Susmaryosep! Ay mas matulis pa pala ang Jay Manalo ng Mataas na Kahoy kumpara sa mahusay na aktor noong dekada 90. Maging ang alamat ni “Manoy” (aka Eddie Garcia), walang panama sa panggigigil ng tinaguriang Totoy Mola ng Batangas. Kung totoo ang bagong paratang sa kanya.
Kung hindi pa sa maagap na aksyon ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), malamang madagdagan pa ang luhaang koleksyon ni Totoy Mola.
Ang siste, nabulaga si Totoy Mola sa kasong isinampa dahil ang asunto’y inihain sa labas ng kanyang teritoryo – sa National Prosecution Service ng DOJ sa Maynila.
Sa isang sinumpaang salaysay, idinetalye ng biktima ang umano’y pang-aabusong naganap Hunyo 2021 sa loob ng pribadong silid ni Totoy Mola sa Santol Farm sa naturang lokalidad. Aniya, isang kaibigang empleyado ni Vice Mayor ang nagpapunta sa kanya sa Santol Farm para magmasahe sa nabanggit na opisyal. Subalit, taliwas sa inaasahan, ang kanyang pinagkakakitaang talento sa pagmamasahe, nauwi sa kalaswaan.
Nakakalungkot isiping may mga taong gobyernong tila walang respeto sa mga kababaihan. Ganun ba kababa ang tingin ni Vice Mayor sa mga babaeng masahista? Ang masaklap, parang walang kinatatakutan si Totoy Mola, kesehodang nasampolan na ang ilan sa mga tulad niyang labis kung manggigil.
Ilan na nga ba ang mga nahatulang opisyal ng pamahalaan sa salang kamanyakan? Isa, dalawa, tatlo o higit pa? Hindi ko na mabilang at posible pang madagdagan kung mapapatunayan nang walang bahid alinlangan ang nagawang pagkakasala ni Totoy Mola ng Batangas!
Pag nagkataon, pwede na silang bumuo ng sariling pangkat na pantapat sa Sputnik, Commando, BCJ at iba pang gang sa loob ng dambuhalang hoyo – ang kanilang pangkat kikilananin sa tawag na “Karismanyak.”
386