QUEZON – Nasawi ang isang trabahador matapos na ito ay ma-suffocate sa loob ng kanilang nililinis na balon o deep well sa Sitio Pagatpat, Barangay Del Pilar sa bayan ng Quezon, sa lalawigan nitong Miyerkoles ng umaga.
Batay sa salaysay ng isang saksi na kasamahan ng biktima, nangyari ang insidente dakong alas-9:00 ng umaga habang nililinis nila ang isang balon sa lugar.
Nakita umano ng saksi ang biktimang si “Justin”, 31-anyos, na nagpupumilit na makaahon mula sa halos 7 metrong lalim ng balon gamit ang lubid.
Ngunit bigla na lang itong nanghina at nahirapang huminga.
Sinubukan pa niyang tulungan ang biktima sa pamamagitan ng paghila dito ngunit hindi niya umano ito kinaya.
Bunsod nito, agad siyang humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.
Nang makuha ang biktima mula sa balon ay wala na itong malay.
Agad itong dinala sa Quezon Municipal Rural Health Unit ngunit idineklarang wala nang buhay ng doktor.
Ayon kay PCapt. Alex Vizarra, hepe ng pulisya roon, wala namang kung anomang uri ng kemikal na nakaapekto sa biktima at maaaring na-suffocate ito dahil sa sobrang lalim ng balon at kakapusan ng hangin sa ilalim nito.
(NILOU DEL CARMEN)
