PERSONAL na binisita ng TRABAHO Party-list nominees ang mga residente ng Brgy. Manggahan at Brgy. Santolan, Pasig City noong March 15, 2025.
Kita sa mga larawan sa Facebook post ng TRABAHO, 106 sa balota, na mismong ang nominees na sina Atty. Johanne Bautista at Ninai Chavez ang nagmamano at nakikipagkumustahan sa mga Pasigueño sa tapat ng kanilang mga bahay at tindahan.
Ibinida ng TRABAHO ang kanilang plataporma sa mga taga-Pasigueño at inalam rin nila ang iba’t ibang pangangailangan ng kanilang mga nakausap.
“Ang TRABAHO po ang magiging boses ng mga manggagawa pati na rin ng private sector na tumutulong sa pagpaparami ng trabaho sa Kongreso,” sabi ng abogadong nominee.
Nagpasalamat din si Chavez sa kabaitan ng mga Pasigueño, sa mainit nilang pagtanggap, at masusing pakikinig sa legislative agenda ng TRABAHO.
Kamakailan, bumisita rin ang grupo kasama si celebrity host at advocate Melai Cantiveros-Francisco sa Mutya ng Pasig Mega Market. Bukod sa pagpapataas ng sahod at non-wage benefits, isinusulong ng TRABAHO Party-list na mapaganda ang pamumuhay ng manggagawang Pilipino.
