BINAWIAN ng buhay ang isang 48-anyos na miyembro ng Manila Police District Traffic Enforcement Unit ilang araw makaraang maturukan umano ng Sinovac na bakuna laban sa COVID-19.
Base nakalap na impormasyon mula sa Manila Police District Health Service, ang biktima na kinilalang si P/Staff Sergeant Cenen Delos Santos Evangelista, ay nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Skyline Hospital and Medical Center sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Ayon sa pagsisiyasat ng pulisya, noong Marso 31 nang bakunahan ang MPD personnel na may comorbidities sa Manila Emergency Operations Center (MEOC).
Kabilang sa mga naturukan ng 1st dose si Evangelista na ibinilang sa kategoryang “obese”.
Ayon kay Roger Evangelista, anak ng biktima, isinugod sa ospital ang ama bandang alas-8:25 ng gabi noong Miyerkoles, Abril 7, dahil sa mataas na lagnat.
Agad itong kinabitan ng oxygen at fast drip ng PNSS, paracetamol sa pamamagitan ng IV o injection kaya nawala ang lagnat.
Noong Abril 8, isinailalim sa swab test at chest x-ray ng biktima. Ayon sa anak, bumuti ang kondisyon ng kanyang ama at naging normal ang vital signs ngunit nasa 81% lang ang oxygen level.
Dakong alas-12:30 ng hapon nang biglang bumagsak ang oxygen level na nagresulta sa cardiac arrest.
Sinubukang i-revive ang biktima matapos bigyan ng Epinephrine ngunit binawian ng buhay.
Ayon sa ulat, bago nabakunahan ay nagpositibo sa COVID-19 si Evangelista at siya ay asymptomatic.
Napag-alaman, nagdalawang-isip umano si Evangelista na magpabakuna ngunit dahil sa takot na maasunto ay napilitan magpabakuna gayunman ay hindi inihayag ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan.
Samantala, 35 taon na sa serbisyo si Evangelista at nakatakda na itong magretiro bilang pulis. (RENE CRISOSTOMO)
