TRAFFIC ENFORCER PATAY SA LASING NA RIDER

CAVITE – Nagsasagawa ng manhunt operation ang Cavite Police sa isang lalaki at kasama nito na bumaril at pumatay sa isang traffic enforcer matapos sitahin dahil sa pagmamaneho nang lasing sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.

Kinilala ang suspek na si Joseph Llagas, nasa hustong edad, ng St. John Subdivision, Brgy. Biga Tanza, Cavite, responsable sa pamamaril at pagkamatay ng biktimang si William Mentes Quiambao, traffic enforcer ng Tanza MPS at residente ng Brgy. Tres Cruses, Tanza, Cavite.

Tinutugis din ang isang Aries Carlos na kasamang tumakas ng suspek lulan ng motorsiklo.

Ayon sa ulat ni P/SSgt.  Joycell Javier ng Tanza Police Station, dakong alas-5:50 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Barangay Daang Amaya 2, Tanza, Cavite.

Sinita umano ng biktima ang suspek dahil tila nakainom habang nagmamaneho ng kanyang itim na motorsiklong Yamaha Mio 125 na may temporary plate number na 0401-0364688.

Nagresulta ito sa mainitang pagtatalo hanggang sa barilin ng suspek ang biktima ng tatlong beses sa likurang bahagi ng ulo nito.

Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek kasama si Carlos habang ang biktima ay isinugod sa Tanza Specialist Medical Center subalit namatay habang nilalapatan ng lunas. (SIGFRED ADSUARA)

251

Related posts

Leave a Comment