DISMAYADO si Senador Win Gatchalian sa kawalan ng aksyon ng Toll Regulatory Board sa reklamo ng mga motorista hinggil sa palpak na sistema sa RFID stickers sa mga expressway.
Dahil dito, isusulong ni Gatchalian ang resolution upang imbestigahan ang implementasyon ng RFID system sa mga expressway.
“Dapat trabaho na nga yan ng TRB, kaya nagtataka kami nasaan ang TRB bakit tahimik sila. Pero nakikita natin ang TRB walang ginagawa at natutulog lang kaya wala [tayong] choice kundi umakto ako personally magpa-file ako [ng] reso para maimbestigahan para gumalaw na ang TRB,” diin ni Gatchalian.
Pangunahing layunin ni Gatchalian na masuri kung nakasusunod pa ba ang mga pribadong kumpanya na namamahala ng mga expressway sa kanilang concession agreement.
“Tayo ay mga customer, nagbabayad tayo [ng] toll fee. In fact ngayon prepaid na, gamitin mo ‘yan o hindi nasa kanila na ang pera, ayusin naman ang teknolohiya at wag pahirapan ang consumers,” giit ni Gatchalian.
Samantala, handa naman si Senate Committee on Public Service chairperson Grace Poe na magsagawa ng imbestigasyon sa isyu.
“So NLEX, SLEX, Cavitex, tama rin ang sinabi ni Senator Sherwin siguro tawagin din ‘yan at kung sino ang nakakontrata sa RFID, ano ang ineexpect natin,” diin ni Poe.
“Kasi gusto naman makinig ng mga kababayan natin diyan sa panukala na ganyan pero sana gawing mas madali na makakuha nga ng load para doon at sana ang kanilang scanner at mechanism na ginagamit nila top of the line para di naman tayo maaberya,” dagdag pa ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)
