IGINIIT ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan na agad kasuhan ng treason o pagtataksil sa bansa ang mga may-ari at tauhan ng Infinitus Marketing Solutions na nakabase sa Makati City na kinontrata ng China para sirain ang mga opisyal ng gobyerno at ang ating bansa sa kabuuan.
Kasabay nito, nais ni Cagayan de Oro City representative Rufus Rodriguez na dapat alamin kung sinu-sinong mga social media personality ang kinontrata naman ng nasabing kumpanya para magpakalat ng fake news at ipagtanggol ang China imbes na ang Pilipinas upang makasuhan din ang mga ito.
“I am interested in knowing the social media personalities they have engaged and paid to work against our national interest and promote China’s false narratives on the West Philippine Sea,” hinayag ni Rodriguez.
Base sa pagsasaliksik ng Kamara, isang Paul Li ang co-founder at managing partner umano ng Infinitus habang isang Myka Basco-Poynton naman ang co-founder at nagngangalang Nestor Arciage ang tumatayong marketing officer at social media manager ng kompanya.
Magugunita na lumabas sa pagdinig ng Senado na binayaran umano ng Chinese Embassy sa Manila ang nasabing kompanya ng halos P1 milyon para sa kanilang troll farm na ang misyon ay siraan ang gobyerno sa isyu ng WPS at maging ang mga opisyales na alam ng nasabing bansa na hindi nila kakampi.
“The DoJ (Department of Justice) and the National Bureau of Investigation (NBI) should file charges for treason and other violations of the Revised Penal Code and the National Security Act against officers and directors of Infinitus Marketing Solutions,” pinunto ni Rodriguez.
“In general, these laws punish any Filipino who betrays or is disloyal to his country and who works against its national interest, sovereignty and territorial integrity,” paliwanag ng mambabatas.
Inatasan din nito ang Department of Foreign Affairs (DFA) na patawan ng parusa ang Chinese diplomat na katransaksyon ng Infinitus.
(PRIMITIVO MAKILING)
