Trillanes nagpapanggap na malinis STYLE MO BULOK -SEN. BONG GO

(ESTONG REYES)

SINOPLA ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang binuhay na multi-bilyong paratang na katiwalian ni dating Senador Antonio Trillanes IV laban sa mambabatas at kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasabing pawang kasinungalingan at walang basehan ang akusasyon.

Sa kanyang video message, sinabi ni Go na hindi siya nakinabang ng kahit singko sa alinmang proyekto ng pamahalaan at hindi siya nakikialam at nang-iimpluwensya upang makakuha ng government project ang negosyo ng kanyang pamilya.

“Panis na isyu, wala na bang bago, katunayan noong 2018 pa, hindi pa ako senador ay sinagot ko na ito at hinamon ko si Trillanes na imbestigahan nya at magsampa ng kaso. Hinding-hindi ako uurong sa kaso, dahil alam kong malinis ang aking konsensya at wala akong batas na nilabag,” ayon kay Go.

“Ang tanong ay nakinabang ba ako, nakialam ba ako, nag-impluwensiya ba ako? Wala,” giit pa ng kasalukuyang senador.

Sinabi pa ni Go na buti pa ang ibang tao, nakakahingi ng tulong sa kanya, pero ang sariling pamilya ay ‘di nakakalapit sa kanya lalo na umano ang kanyang half-brother.

“Maging patas ka naman Trillanes, may mga abogado ka rin naman. Paano naging plunder laban sa akin at kay Pangulong Duterte ang isang lehitimong transaksyon ng gobyerno na wala naman kaming kinalaman,” tanong ni Go.

“Sinabi ko na sa kanya noon na kung mapatutunayan ang paratang nya, magre-resign kaagad ako. Nakalipas na po ang halos tatlong taon at wala naman napatunayan si Trillanes, lahat ng mga ito ay nasagot ko, puro kasinungalingan ang ipinakakain nya sa taumbayan, puro lies ang ipinakakain nya sa taumbayan kaysa makatulong, nilalason lamang nya ang kaisipan ng mga Filipino para sa pansariling interes,”giit pa ng senador.

Ngayon, ani Go, papalapit na eleksyon, nire-recycle ni Trillanes ang lumang fake news, lumang tugtugin, lumang basurang itinatapon sa kanya. “Kumita na ang style mo Trillanes. Kumita na ang style mo na magtatapon ka ng maitim na putik para ikaw naman ang magmukhang puti at malinis.”

“Nagtatrabaho ako dito para magserbisyo sa aking kapwa Filipino, ikaw nasaan ka Mr. Fake News? Tanong pa ni Go.

“For the sake of the Filipino public, sadyang gustong linlangin ni Trillanes ang publiko, allow me to clarify this issue again. Unang-una walang bago sa akusasyon nya, rehash issue, fabricated, o bloated ang mga numero, ilang taong pinagdudugtong upang lumaki ang halaga as it may look na may plunder at anomalya na nangyari,” ayon kay Go.

Ayon pa kay Go, bulok ang estilo ni Trillanes na pinalalaki ang numero upang lumobo ang halaga.

“Style ni Trillanes na bulok, ibo-bloated nya, dadagdagan nya para kunwaring lumaki ang numero. Eh wala naman akong kinalaman nyan, kahit ilang taon nang lumipas yan, wala naman akong kinalaman dyan at wala po akong pakinabang dyan. Ni piso wala po akong pakialam dyan,” ayon kay Go.

Ang importante, aniya, nagseserbisyo siya sa kapwa Filipino, interest ng kapwa Filipino ang kanyang inuuna.

“Katulad ni Trillanes, interes nya para pumuti siya, gagawin nya kaming itim. Style nya na bulok, maduming pulitika,” giit ng mambabatas.

“Trillanes, wag ka nang magpaligoy-ligoy pa kung tingin mo may korapsiyon na nangyari, kasuhan mo na para mapanagot. May proseso at hukuman na makapagpapatunay ng mga iyan, wag mo nang daanin sa estilo mong bulok dahil sa paninirang imbento ni Trillanes, naging senador ako,” paliwanag ni Go.

Sinabi pa ni Go na papunta na naman ang bansa sa eleksyon at sa mga paninira ng dating senador ay ano kaya ang susunod na mangyayari at mahuhubaran na naman ang katauhan ni Trillanes at lalabas ang katotohanan na wala siyang ibang kontribusyon sa mundong ito kundi puro kasinungalingan at kalokohan lamang.

“Sinabi ko naman, hindi ako interesadong tumakbo, senador pa ako hanggang 2025, aantayin sana kita sa Senado para magtutuos tayo kahit ano ang gusto mo,” ayon kay Go.

“Ang tanong mananalo ka ba? pero dinadamay mo ako dahil papalapit na ang eleksyon. Noong 2018, puro imbento at paninira, kita mo naging senador ako, ngayon baka lang suwertihin ulit ako, kung saan ka tatakbo, susundan kita,” giit ng senador.

“Ngayon ako naman ang may tanong kay Trillanes. Trillanes, Mr. Fake News at walang delikadesa, pinagbawalan mo ba noon ang iyong nanay at tatay habang sundalo ka na pumasok sila bilang supplier sa Navy. Nasaan na ang delikadesa mo doon?” pagtatapos ni Go.

300

Related posts

Leave a Comment