Tsansa ng oposisyon sa 2022 elections malabo pa rin DILAWAN BOKYA NA NAMAN

(CHRISTIAN DALE)

NGAYON pa lamang ay dapat nang mag-isip ng magandang branding ang mga tinaguriang dilawan para pataubin ang sinomang lulutang na kandidato ng administrasyon para sa 2022 elections.

Kinakailangan umanong magdoble-kayod ang oposisyon partikular ang grupo ni Vice President Leni Robredo at pumili ng malakas na itatapat sa pambato ng administrasyon upang hindi sila mabokyang muli sa susunod na halalan.

Ito’y sa gitna na rin ng panawagang Duterte-Duterte tandem sa 2022.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, tama ang lumabas na komentaryo na zero chance ang oposisyon kahit na sino pa ang itapat nitong kandidatong ilalaban sa manok ng administrasyon at ito’y dahil na rin sa napakataas na popularidad ni Pangulong Duterte na pinatunayan ng mga survey.

Aniya, kung si Vice President Leni Robredo ang mamanukin ng dilawan ay mahina ito habang inilarawan ni Panelo na “wala” si Kiko Pangilinan at lalo naman si Senador Franklin Drilon at maging si Senadora Risa Hontiveros.

Sinabi pa ni Sec. Panelo na tama lamang ang deskripsiyon ng komentaryo na isang shallow bench mayruon ang oposisyon at wala talagang mapagpipilian sa mga ito.

Inihalintulad pa niya ang mga kandidato ng administrasyon sa bag na Louis Vuitton at damit na Gucci, na dapat aniya ay matapatan ito ng kalaban ng mas maganda pang brand para makasabay man lang kahit kaunti.

Matatandaang walang nakalusot sa Otso Diretso na pambato ng oposisyon sa Senado sa nakaraang 2019 election. Ang grupo ay electoral alliance ng Liberal, Akbayan, Magdalo Party-List, at Aksyon Demokratiko.

SINUSUWAY
SI DIGONG

Sa kabilang dako, patuloy namang sinusuway ng mga supporter ni Davao City Mayor Sara Duterte si Pangulong Duterte na una nang nagpahayag na ayaw nitong patakbuhin ang anak sa susunod na halalan.

Kasunod ito ng patuloy na paghahanda ng mga supporter ni Mayor Duterte sa 2022 presidential election, 10 buwan bago ang pormal na paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga kakandidato.

Isa sa mga patunay na handang-handa ang makinarya ng pagtakbo ni Mayor Sara ay ang mga kumalat na larawan ng isang SUV van na may nakatatak na “SARA DUTERTE My President 2022”.
Magugunita na sinabi ni Pangulong Duterte noong Enero 15, 2021 na ayaw niyang patakbuhin si Mayor Sara sa 2022 presidential election dahil hindi umano pambabae ang nasabing posisyon.

Gayunman, mismong si Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang nangunguna sa pagsuway sa kagustuhan ng pangulo nang ilunsad nito sa Pangasinan noong Enero 23, 2021 ang Duterte-Duterte tandem kung saan si Mayor Sara ang tatakbong pangulo at runningmate nito ang ama.

Hanggang ngayon ay patuloy na pinaghahandaan ang pagtakbo ni Mayor Sara sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno kahit wala pang pinal na pahayag dito ang anak ng pangulo.

“Gumagastos na sila. Meron na silang election vehicles,” komento naman ng isang netizen sa paglutang ng marked vehicle para sa kandidatura ng anak na babae ni Pangulong Duterte.

Mistulang sinasabayan naman ito ng mga supporter ni Robredo matapos ikalat ng mga ito sa social media ang “I am Ready for Leni” kahit malayo pa ang kampanya para sa 2022 election.

Base sa batas, sa ikalawang linggo ng Pebrero 2022 pa magsisimula ang 90 araw na kampanya ng presidential, vice presidential at senatorial candidates.

May nakalaang parusa sa mga paglabag sa early campaigning subalit karaniwang walang naparurusahan dito. (BERNARD TAGUINOD)

135

Related posts

Leave a Comment